PERFECT RECORD ITATAYA NG LADY WARRIORS SA V-LEAGUE

TARGET ng University of the East na manatiling walang dungis papasok sa kanilang pinakaaabangang duelo sa co-leader Far Eastern University sa Miyerkoles sa pagsagupa sa College of Saint Benilde sa V-League Collegiate Challenge ngayon sa Paco Arena.

Maganda ang ipinakikita sa kabila ng pagkawala ni prized rookie Jelai Gajero dahil sa tournament-ending ACL injury, ang Lady Warriors, may 5-0 record, ay pinapaborang magwagi sa 10 a.m. match.

Determinadong mapunan ang pagkawala ni Gajero, sina Kayce Balingit at Khy Cepada ay nag-step up sa 25-15, 25-15, 25-15 pagwalis ng UE sa Lyceum of the Philippines University noong nakaraang Miyerkoles.

Ang Lady Blazers ay nabigo sa Lady Tamaraws, 23-25, 25-19, 16-25, 22-25, noong Biyernes para sa kanilang unang talo matapos ang tatlong sunod na panalo habang nahila ng Morayta-based spikers ang kanilang winning streak sa anim na laro.

Asam ng University of Perpetual Help System Dalta, galing sa 25-27, 25-14, 25-22, 25-19 panalo laban sa Enderun Colleges, na makumpleto ang semis cast laban sa Mapua (1-3) sa alas-12 ng tanghali.

Si Mary Rhose Dapol, umiskor ng 26 points sa kanilang huling laro, ang magiging main option ng Lady
Altas.

Sa men’s action, magsasalpukan ang unbeaten Ateneo at ang University of Santo Tomas sa krusyal na laro
para sa solo lead habang magpapambuno ang National University at Perpetual sa isa pang key match.

Pinataob ng Blue Eagles ang Altas sa apat na sets noong Miyerkoles upang itarak ang kanilang ika-4 na sunod na panalo at sisikaping mahila ang kanilang run sa pagharap sa Golden Spikers sa 4p.m.match.

Sumasakay rin ang UST, tangan ang 4-1 kartada, sa three-game streak kung saan handa ang Golden Spikers na ipalasap sa Blue Eagles ang kanilang unang kabiguan upang kunin ang liderato at mapalakas ang kanilang semis drive.

Inaasahan ding magiging mainit ang 2 p.m. battle sa pagitan ng UAAP champion NU at NCAA holders Perpetual kung saan sasamantalahin ng Bulldogs ang momentum sa kanilang five-set win kontra La Salle noong Miyerkoles, na nag-angat sa kanilang record sa 3-1. Galing naman ang Altas sa three-game skid makaraang magwagi sa unang dalawang laro.