PERLAS NG SILANGAN BASKETBALL LEAGUE LALARGA SA HULYO 24

LALARGA ang Perlas ng Silangan Basketball League, na isang purong development tournament, sa Hulyo 24 sa Smart Araneta Coliseum.

Ang LGU-based league ay magpopokus sa mga kabataan hindi lamang sa basketball kundi pati sa paglinang sa life skills ng lahat ng kalahok sa categories tulad ng Under-11, Under-13, Under-15, Under-17, Under-19 at  Under-21.

“This is a new developmental league that will cover at least seven regions. And ang kaibahan is that kami ang lalapit sa mga kabataan. We will create a platform and reach out to everyone,” pahayag ni league founder Christian Ensomo sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes sa Rizal Memorial Sports Complex.

Ayon kay Ensomo, ang mga nagkumpirma na magpapasok ng mga koponan sa iba’t ibang brackets ay ang Bulacan, Caloocan, Quezon City, Manila, Paranaque at Taytay sa Rizal.

Mula sa NCR leg, na gaganapin sa Amoranto Stadium sa Quezon City at San Andres Gym sa Manila, plano ng liga na magtungo sa Cordillera Region, pagkatapos ay sa Bicol, Cebu, Davao at  Cagayan de Oro.

“The top teams will head to the Nationals by the end of the year. At stake are the bragging rights as the best in your region and the first-ever national champion for Perlas ng Silangan,” dagdag ni Ensomo sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, MILO, at ArenaPlus, ang nangungunang sports entertainment gateway sa bansa.

“This is purely and strictly developmental. Para sa mga players na hindi pa nakakasali sa other commercial leagues,” dagdag ni Ensomo, na sinamahan sa forum nina co-founder Nato Agbayani at consultant Rudy Aquino. “Our advocacy is youth development, the life skills of the young players,” ani  Agbayani, na inanunsiyo rin na si dating PBA star Rodney Santos ang magsisilbing league commissioner.

CLYDE MARIANO