PERMANENT BAN SA OFWs SA KUWAIT

KUWAIT-5

IMINUNGKAHI  sa Senado ang permanent ban sa pagpapadala ng mga overseas Filipino worker sa Kuwait.

Ayon kay Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva, ito ay  kung hindi makapagbibigay ang Kuwaiti government ng garantiya na magiging ligtas sa panganib at pag-abuso ang mga manggagawang Pinoy.

Giit ng senador, masyado nang maraming OFWs ang pinagmalupitan at pinatay sa Kuwait at ang  pinakahuli ay si Jeanelyn Villavende na binugbog at napatay ng amo. Nakita rin sa pagsusuri sa bangkay nito na basag ang ulo ng OFW.

Pabor din ang senador sa partial ban   na pinaiiral ngayon ng Department of Labor and Employment sa mga  bagong domestic helper  sa Kuwait.

Hindi sakop ng ban ang mga skilled workers at ang mga dati nang may kontrata sa nasabing bansa.

Magugunitang sinabi rin ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na maaring maikonsidera ang parmanent ban sa pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait kung hindi makamit ng pamilya Villavende ang katarungan sa pagkamatay  ng OFW.

Ayon kay Villanueva, sa naturang hakbang ay maipapakita ng pamahalaang Pilipinas na hindi kagamitan at lalong hindi hayop na pwedeng saktan ng mga taga-Kuwait ang mga Pilipino partikular ang mga Household Service Workers.

Comments are closed.