(Permanent posting sa UAE) POLICE ATTACHÉ TARGET NG PNP

PINAG-AARALAN na ng Philippine National Police (PNP) ang deployment ng permanent police attache sa United Arab Emirates (UAE).

Ang plano ay nabuo sa sidelines nang magtungo sa Abu Dhabi ni PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr. nang dumalo ito sa 7-day na 24th Asian Regional Conference ng International Criminal Police Organization (Interpol).

Layunin ng posting ng permanent police attache sa UAE ay upang matulungan ang overseas Filipino workers at mga Pinoy na nakabase roon.

Ani Azurin na kaya nais nila na mag-post ng permanent ng police attaché sa nasabing bansa ay dahil marami na ring mga Pilipino ang nahaharap sa iba’t ibang problema.

Sa ngayon, ang tanging pumupunta sa UAE ay ang mga police attaché na nakabase sa Saudi Arabia na daraan pa sa proseso gaya ng pagkuha ng visa.

Sa kasalukuyan, piling bansa lamang ang pinostehan ng police attaché ng Pilipinas at ang mga ito ay San Francisco at New York City sa USA, France, China, Malaysia, Indonesia at Saudi Arabia.

“We are trying to negotiate to DFA kung pwedeng bigyan ng non-resident status ‘yung ating mga attaché so ‘yung Saudi pwede niyang i-cover ang Abu Dhabi, so ganoon, nine-negotiation na payagan ng mga ambassador ang ating mga pulis na magkaroon ng non-resident status,” anang Azurin.

Dagdag pa ng PNP chief, ito ang kanyang nakikitang paraan para maramdaman ng mga OFW sa UAE na inaalam din ng pamahalaan ang kanilang pangangailangan kahit nasa labas ng bansa. EUNICE CELARIO