HINILING ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na isama sa infrastructure plan ng gobyerno ang “permanent rehousing and relocation” kasunod na rin ng pinsala na iniwan ng bagyong Odette sa mga probinsya sa Visayas at Mindanao.
Ipinunto ni Salceda na 560,000 na mga kabahayan ang lubos na sinira ng bagyo at lubhang napakarami nito.
Ang tanging paraan, aniya, para hindi palaging sa evacuation ang mga tao ay tiyaking mismong ang mga bahay ay disaster-resilient na kanilang masasandalan sa tuwing may kalamidad.
Dahil dito, iginiit ng mambabatas na kasama na dapat sa rehabilitasyon ang pagtatayo ng mga permanenteng bahay na ligtas mula sa epekto ng natural calamities at geohazards.
Kailangan na aniyang magpalit sa permanenteng rehousing mula sa temporary evacuation dahil nasaksihan sa bagyong Yolanda at ngayon ay sa bagyong Odette na maging ang evacuation facilities ay mapanganib lalo na kung hindi disaster resilient.
Tiwala ang kongresista na posible ang mass permanent rehousing sa pamamagitan ng direct government-funded housing at hikayatin ang mga tao na mailipat ng tirahan. CONDE BATAC