PETECIO BALIK-DAVAO

Nesthy Petecio

MAKAKAUWI na rin si world champion Nesthy Petecio, halos siyam na buwan makaraang huli niyang makita ang kanyang pamilya.

“Makakauwi na rin,” wika ni Petecio, isang Baguio-based national team member at reigning (Amateur) International Boxing Association at Southeast Asian Games  champion.

Ayon kay Petecio, uuwi siya sa Davao para makasama ang kanyang pamilya na magiging ins­pirasyon niya sa pagkuha ng tiket sa ipinagpalibang Tokyo Olympics makaraang mabigo siya noong nakaraang Marso sa Amman, Jordan.

“Sila po talaga ang ins­piration ko,” ani Petecio, na naghihintay ng kanyang flight pauwi makalipas ang halos tatlong buwang hindi pagiging aktibo dahil sa enhanced community quarantine (ECQ).

“As much as I wanted to train during the lockdown, our neighbors asked us not to for fear that I could contract the disease,” aniya.

Ani Petecio, ang kanyang ama na si Teodoro, isang dating boksingero, ang hahawak sa kanyang  training kasama ang kanyang kapatid na si Norlan, na bahagi rin ng Philippine boxing team.

“Kaya po ako uuwi para mas maganahan at mas maging 100 percent ‘yung motivation,” dagdag pa niya.

Si Petecio ay natalo kay arch-rival Irie Sena ng Japan sa quarterfinals ng 2020 Asia and Oceana Boxing Qualification Tournament sa Jordan capital.

Nakatakda sana siyang sumabak para sa huling tsansa sa Global Qualifiers sa Paris, France noong nakaraang Mayo subalit ipinagpaliban ito ‘until further notice’ dahil sa pandemya.

Nabigo rin si Filipino boxer Carlo Paalam sa Amman, Jordan subalit maaari pa siyang makapasok sa Tokyo Games kapag nalusutan niya ang mga katunggali sa Paris qualifiers.

Si Paalam ay nagwagi ng gold medal sa nakalipas na SEAG.

Pasok na si female boxer Irish Magno sa quadrennial meet kung saan siya ang unang female pug na nakagawa nito. PNA

Comments are closed.