PETECIO-LED PH TEAM SASABAK SA BULGARIA, INDIA

Nesthy Petecio

MAPAPALABAN ang Philippine women’s boxing team sa Bulgaria at India bago ang 32nd Southeast Asian Games sa May 5-17 sa Cambodia.

Ang koponan, sa pangunguna nina Olympians Nesthy Petecio (lightweight) at Irish Magno (flyweight), ay lalahok sa Strandja Memorial Cup sa Sofia sa Feb. 18-27 at sa International Boxing Association (IBA) World Women’s Championships sa New Delhi mula March 15 hanggang 31.

Ang Strandja Memorial Cup ang pinakamatandang international amateur boxing competition sa Europe.

“All of us are busy training, we want to get good results in our first two competitions this year,” wika ni coach Reynaldo Galido.

Bukod sa SEA Games, ang national boxers ay lalahok din sa Asian Games sa Hangzhou, China mula Sept. 23 hanggang Oct. 8, na bahagi ng qualification process para sa 2024 Paris Olympics.

Determinado si Petecio, silver medalist sa Tokyo Olympics, na sumabak sa Paris.

“I really want to compete in the coming Olympics. Hopefully, I will get a slot,” sabi ni Petecio, na nagsasanay kasama ang koponan sa Baguio City magmula noong Dec. 5, 2022.

Para sa kanyang kampanya sa SEA Games, sinabi ni Petecio na, “I cannot say if I will win the gold medal in Cambodia but I will do my best to win a medal, especially the gold medal.”

Si Petecio ay nagkasya sa bronze medal sa 2022 Vietnam SEA Games habang si Magno, na nasibak sa round of 16 sa Tokyo, ay nagwagi ng silver medal sa Vietnam.

PNA