OPISYAL na nakopo ni Nesthy Petecio ang bronze medal makaraang matikas na nakihamok laban kay Julia Szeremeta ng Poland sa 2024 Paris Olympics women’s boxing 57kg semifinals Huwebes ng umaga.
Si Petecio ay natalo sa puntos via split decision, 4-1.
Ito na ang ika-4 na medalya para sa Team Philippines, matapos ang dalawang golds ni Carlos Yulo sa men’s artistic gymnastics at bronze ni Aira Villegas sa women’s 50kg sa boxing.
Si Petecio ay pinapaborang umabante sa gold medal match subalit tila nawala sa porma laban sa 20-anyos na si Szeremeta, na nakabawi mula sa mabagal na simula upang daigin ang Filipina boxer sa second at third rounds.
Si Petecio ay nanalo sa opener sa lahat ng limang scorecards, subalit inilabas ni Szeremeta ang kanyang bangis sa second round. Ang Polish boxer ay nanalo sa apat sa limang scorecards.
Naging mas agresibo si Szeremeta sa third round, at bagama’t nagpakawala ng mga suntok si Petecio tungo sa huli, hindi ito sapat upang makumbinse ang mga judge na pawang pumabor sa kanyang kalaban.
Makakaharap ni Szeremeta ang top seed sa division, si Lin Yu Ting ng Chinese Taipei, sa gold medal match. Si Lin ay nagwagi kontra Turkish boxer Esra Yıldız Kahraman, 5-0, upang umabante.
Si Lin ay isa sa dalawang boxers na sangkot sa gender controversy sa Paris Olympics, kasama si Imane Khelif ng Algeria. Na-disqualify sila sa world championships noong 2023 makaraang bumagsak sa gender eligibility tests, subalit pinayagang sumabak sa Summer Games.
Para kay Petecio, isa itong masakit na pagtatapos sa isang impresibong kampanya. Ang 32-year-old ay nasa magandang porma sa kanyang pagmartsa sa semis.
Sinimulan niya ang kanyang kampanya sa pagdurog kay Jaismine Lamboria ng India sa round-of-32, pagkatapos ay pinatahimik ang French fans sa North Paris Arena nang gulantangin si home bet Amina Zidani sa round-of-16.
Kontra Xu Zichun ng China sa quarterfinals, tinalo ni Petecio ang mas matangkad na kalaban para sa isa pang Olympic medal.
Isang world champion noong 2019, si Petecio ay naging unang female boxer sa Philippine history na nagwagi ng Olympic medal sa pandemic-delayed Tokyo Games noong 2021. Natalo siya via unanimous decision kay Sena Irie ng Japan sa finals.
Sa kabila ng pagkatalo sa Paris, si Petecio ay muling gumawa ng kasaysayan, sinamahan ang elite group ng Filipino athletes na may multiple Olympic medals, kasama sina Yulo, weightlifter Hidilyn Diaz, at swimmer Teófilo Yldefonso.