SINA Tokyo Olympics silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam ang magiging flag bearers ng bansa para sa opening ceremony ng 2024 Paris Olympics na gaganapin sa Hulyo 26.
Ito ang inanunsiyo ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino sa POC briefing kahapon.
Ayon kay Tolentino, umaasa sila na papayagan ng Olympics si weightlifter Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Olympic gold medalist ng bansa, na maging flag bearer bagama’t hindi ito lalahok sa edisyon ngayong taon.
“Tinanong ko rin sa Paris if they will allow ‘yung hindi ka qualified pero ikaw ‘yung flag-bearer. Kailangan (daw) lalaro,” ani Tolentino.
“So sino ‘yung susunod na mataas, si Nesthy and Paalam kasi sila ‘yung dalawang silver. So we’ll give it to the two silvers. Nesthy and Carlo.”
Si Petecio, 32, ay naging unang boxing Olympic medalist ng bansa matapos ni Onyok Velasco noong 1996 nang makopo niya ang silver sa women’s featherweight event sa Tokyo noong August 2021. Tinalo niya ang isang Italian opponent sa semis upang makapasok sa gold medal match ngunit kinapos kontra hometown bet Sena Irie ng Japan.
Nanalo naman si 25-year-old Paalam ngbsilver sa men’s flyweight event pagkalipas ng ilang araw. Nalusutan niya ang isang dating Olympic at world champion mula Uzbekistan sa quarterfinal round at ang hometown Japanese boxer sa semis bago nagkasya sa silver matapos ang split decision loss kay Galal Yafai ng Great Britain sa finals.
Sa Tokyo, ang Philippine delegation ay pinangunahan nina boxer Eumir Marcial at judoka Kiyomi Watanabe bilang flag bearers.