PETECIO SA Q’FINALS

UMABANTE si Nesthy Petecio sa quarterfinal round sa Paris Olympics women’s 57kg class makaraang maitala ang 4-1 panalo laban kay No. 3 ranked Amina Zidani ng host France sa round of 16 sa North Paris Arena Sabado ng umaga (Manila time).

Tatlong judges ang nagbigay ng iskor na 29-28 at ang isa ay 30-27 para kay Petecio habang ang isang judge ay pumabor kay Zidani sa 29-28,

Isang panalo na lamang ang kailangan ni Petecio, silver medalist sa Tokyo, para makasiguro ng isa pang podium finish sa Olympics.

Nadominahan ni Zidani si Petecio sa first round subalit nanalasa ang Pinoy sa huling dalawang rounds upang maitakas ang panalo.

Ipinakita ni Petecio ang kanyang lakas sa huling round kung saan na-outpunch niya si Zidani.

Susunod na makakaharap ni Petecio si Chinese bet Xu Zichun, na naitala ang dikit na 3-2 decision kontra sixth-ranked Valeria Arboleda ng Columbia.

Sina Petecio at Xu ay magbabakbakan nga­yong Linggo, alas-9:30 ng gabi.