SASALANG na si Nesthy Petecio kontra Yeni Marcela Arias Castaneda ng Colombia sa quarterfinals ng 54-57kg boxing competitions sa Kokugikan Arena.
Magtatangka si Petecio, ang featherweight champion ng 2019 World Boxing Championships, sa bronze medal ngayong alas-10 ng umaga (Philippine time) laban sa bronze medalist sa 2019 Pan American Games. Kapag nalusutan ni Petecio ang Colombian ay mangangailangan na lamang siya ng dalawang panalo para sa gold.
“We will look at the videos of her (Castaneda) fights here,” sabi ng Australian coach ni Petecio na si Don Abnett. “We know her next opponent will be tough, but we’re very confident.”
Noong Lunes ay inalis ni Petecio ang pinakamalaking balakid sa kanyang kampanya nang gapiin si tournament top seed at world’s no. 1 Lin Yu-Ting ng Chinese Taipei sa pamamagitan ng 3-2 split decision. Nauna rito ay tinalo niya si Marcelat Sakobi Matshu ng Congo sa kanyang unang laban.
“I want to win the gold medal for my country, but I know that I will have to work hard for it,” ani Petecio matapos ang panalo kay Lin.
Sa Huwebes ay sasalang naman si Eumir Felix Marcial, pinaniniwalaan ng Association Press na magwawagi ng gold medal, kontra Younes Nemouchi ng Algeria sa 69-76kg division sa alas-10:48 ng umaga (Philippine time), habang makakasagupa ni Irish Magno, galing sa 5-0 demolition kay Kenyan Christine Ongare sa 48-51kg, si Thailand’s Jutamas Jitpong sa alas-12:24 ng tanghali (Philippine time). CLYDE MARIANO
Comments are closed.