PETECIO SWAK SA ROUND OF 16

MAINIT na sinimulan ni Nesthy Petecio ang kanyang gold medal quest sa 2024 Paris Olympics.

Dinomina ni Petecio ang mas batang Indian foe na si Jaismine Lamboria upang magwagi via unanimous decision sa kanilang round-of-32 showdown sa women’s 57kg division ng boxing Martes ng gabi sa North Paris Arena (umaga sa Manila).

Si Petecio ang ikalawang miyembro ng Philippine boxing team na umabante, matapos ni Aira Villegas.

Si Petecio, silver medalist sa Tokyo Games noong 2021, ay nanalo sa lahat ng limang scorecards ng judges kung saan matalino niyang nilabanan ang katunggali na sa edad na 22 ay mas bata sa kanya ng 10 taon.

Si Jaismine, sa taas na 5-foot-9, ay may malaki ring height advantage subalit naging mabagal laban sa Pinay.

Nakatama si Petecio ng mas malilinis at malalakas na suntok sa buong sagupaan, at ilang beses na pinamintis si Jaismine sa tuwing magtatangka itong makipagsabayan.

Magbabalik sa aksiyon si Petecio sa August 2 kontra home bet Amina Zidani sa round-of-16.

Si Zidani, seeded third sa weight class, ay nakakuha ng bye sa round-of-32.