RESPONSABLE sa pagbibigay ng dalawa pang medalya ng bansa sa Paris Olympics, sina Nesthy Petecio at Aira Villegas ang tatanggap ng special recognition sa 2024 San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night.
Ang dalawang fearless lady boxers ay gagawaran ng President’s Award ng pinakamatagal na media organization ng bansa sa pagdaraos nito ng traditional awards presentation sa Jan. 27 sa grand ballroom ng Manila Hotel.
Sina Petecio at Villegas ay nagwagi ng pares ng bronze medals sa Paris at idinagdag sa dalawang gold medals na napanalunan ni gymnast Carlos Yulo sa pinakamagandang performance ng Team Philippines sa isang siglong paglahok ng bansa sa quadrennial Games.
Si Yulo ang tatanggap ng pinakamataas na parangal bilang 2024 Athlete of the Year sa proceedings na co-presented ng ArenaPlus, Cignal, at MediaQuest.
Si Petecio ay sumuntok ng bronze medal sa women’s 57kg division, habang nakopo ni Villegas ang parehong medalya sa 50 kg class.
“They may have missed the biggest prize in the 2024 Olympics, but nonetheless deserve high accolades with their own bright moments in the Paris Games, providing extra push in the glorious Philippine performance – a great highlight in the country’s centennial year of participation in the Summer Games,” pahayag ni PSA President Nelson Beltran, sports editor ng The Philippine Star, hinggil sa special recognition na igagawad sa dalawang lady boxers.
Para kay 32-year-old Petecio, ang bronze ang pangalawang Olympic medal na kanyang napanalunan, ang una ay ang silver sa 2020 edition ng Games sa Tokyo. Dahil dito, siya ang kauna-unahang Filipino boxer na nakakuha ng back-to-back podium finishes sa quadrennial meet.
Para kay 29-year-old Villegas, ito ang ipinagmamalaking sandali sa kanyang Olympic debut bilang isang underdog mula sa five-man Philippine boxing team na sumabak.
Ilang awards pa ang ipagkakaloob sa special night kung saan major sponsors ang Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, PLDT/Smart, Senator Bong Go, at Januarius Holdings at suportado ng PBA, 1-Pacman Party List, AcroCity, PVL, Akari, at Rain or Shine.
Ang honor roll ay kinabibilangan ng Executive of the Year, Major Awardees sa ibang sports, Mr. Basketball sa professional at amateur ranks, Ms. Volleyball, at regular Tony Siddayao Awards para sa mga atleta na may edad 17 at pababa.
Bibigyan din ng special recognition ang Philippine Olympians at Paralympians, habang isa pang iconic Filipino athlete ang iluluklok sa PSA Hall of Fame.