PETECIO, VILLEGAS SA PARIS OLYMPICS

DALAWANG Pinay boxers ang nakakuha ng tiket sa 2024 Paris Olympics makaraang gapiin ang kanilang mga katunggali sa 1st Olympic Qualifying Tournament sa Busto Arsizio, Italy nitong Martes.

Namayani si Nesthy Petecio sa kapana-panabik na semifinal match laban kay Esra Yildiz Kahraman ng Turkey sa Women’s Featherweight (57kg) division.

Ang kanyang impresibong  performance ay nagbigay sa kanya ng puwesto sa finals, na nagpatibay sa kanyang reputasyon bilang isang mabigat na boksingero sa international stage.

Nangako si Petecio na paiigtingin ang kanilang pagsisikap upang makasuntok ng medalya sa Olympics.

“Kung ano ‘yung ginawa namin na preparation dito mas dodoblehin pa namin para makasecure ng kahit anong kulay pa po ng medalya ‘yan. Kung ano po ipagkaloob ni Lord. Pero mas maganda po ‘yung ginto. Paghihirapan po namin yan. Paghihirapan ko po ‘yan,” sabi ni Petecio.

Naitala naman ni Aira Villegas ang unanimous decision na 5-0 kontra Zlatislava Genadieva Chukanova ng Bulgaria sa Women’s Light Flyweight (50kg) division.

Sinelyuhan ni Villegas ang kanyang Olympic debut sa iskor na 29-27, 29-27, 28-28, 28-28, 28-28.

Makakasagupa ni Petecio si Julia Szeremeta ng Poland sa gold medal match habang si Villegas ay may dalawa pang laban sa torneo kontra dating Olympic bronze medalist Ingrit Valencia ng Colombia sa semifinals at isa kina  Sabina Bobokulova at Maxi Carina Kloetzer sa  finals.

Hindi naman pinalad sina Rogen Ladon, Claudine Veloso, Mark Ashley Fajardo, John Marvin, Ronald Chavez Jr., Hergie Bacyadan, at  Riza Pasuit. Gayunman ay may pagkakataon pa sila na mag-qualify sa Olympics sa pamamagitan ng ikalawang World Qualification Tournament sa Bangkok, Thailand sa Mayo.

Dahil sa shoulder injury na natamo ni Tokyo Olympic silver medalist Carlo Paalam sa kanyang laban kontra Mexican boxer Andrey Bonilla, si Paalam ay nagpasyang umatras sa  men’s 57 kg division sa second round noong March 11.

Sina Petecio at Villegas ay naging ika-5 at ika-6 na Philippine athletes na nag-qualify sa Summer Games matapos nina  fellow boxer Eumir Marcial, pole vaulter EJ Obiena, at gymnasts Carlos Yulo and Aleah Finnegan.

CLYDE MARIANO