UMAPELA sa negosyanteng si Peter Lim si Justice Secretary Menardo Guevarra na sumuko na at harapin ang illegal drug charges sa hukuman.
Ayon kay Guevarra, ikinokonsidera nang isang pugante si Lim dahil sa kanyang pagtatago.
“There is a legal doctrine that flight is an indication – although not conclusive – of one’s guilt,” ayon kay Guevarra.
Inamin ni Guevarra na hanggang sa ngayon ay walang lead ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation(NBI) kung saan nagtatago si Lim.
Nabatid na patuloy ang operasyon ng mga awtoridad matapos magpalabas ng arrest warrant ang Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 65 noong Agosto 14.
Ayon kay Guevarra, posibleng nasa loob pa rin ng bansa si Lim dahil walang record ang Bureau of Immigration (BI) na lumabas siya ng bansa.
Gayunman, hindi inaalis ni Guevarra ang posibilidad na maaring nakalabas na rin si Lim ng bansa sa pamamagitan ng pagdaan sa backdoor kaya hihingin nila ang tulong ng International Criminal Police Organization (Interpol) sa paghahanap kay Lim.
Kasama sa kinasuhan sa korte ang nakadetineng si Kerwin Espinosa, testigo na si Marcelo Adorco at Ruel Malindangan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.