PETISYON SA SC LABAN KAY BBM TALIWAS SA SEPARATION OF POWERS NG KONSTITUSYON

ANG  mga tinatawag na civic organization na naghain ng petisyon sa Korte Suprema upang ihinto ang bilangan ng boto para sa presidente at bise presidente ay tila maibabasura.

Hindi ba nila nakita na malinaw na malinaw na ito ay taliwas sa tinatawag ng ‘separation of powers’ sa ilalim ng ating Konstitusyon? Hindi po ako abogado. Subalit tila malinaw na wala sa kapangyarihan sa sangay ng Hudikatura na manghimasok sa sangay ng Lehistratura ng ating gobyerno.

Saan ba nila napulot ang ideya na ito? Mas kahiya-hiya ang ginawa nila dahil lumalabas na wala na sa tamang pag-iisip ang mga ganitong hakbang ng mga galit sa napipintong pagkapanalo ni BBM bilang ika-17 na Pangulo ng Pilipinas.

Dumaan sa masusing pagtingin ng Comelec ang proseso ng halalan. Dagdag pa rito ay binatayan ang resulta ng bilangan ng media at ng NAMFREL at PPCRV. Wala silang nakitang pandaraya o iregularidad na naganap sa bilangan ng boto. Ang malinaw pa ay napakalaki ng agwat ng bilang ng boto ni BBM laban sa pumapangalawa na si VP Leni Robredo. Parang sirang plaka na po ito…mahigit 31 million votes ni BBM kontra 14 million votes na nakuha ni Robredo. Ano ang pinuputok ng butse ng mga petitioner upang ipahinto ang opisyal na bilang ng Kongreso?

Paliwanag nga ni Senate President Tito Sotto, na maginoong tinanggap ang pagkatalo niya sa nakaraang halalan sa pagkabise presidente, na kung sakaling makakuha ng utos mula sa Korte Suprema ang nasabing petisyon, maaaring magkaroon tayo ng isang ‘constitutional crisis’! Dagdag pa ni Sen. Sotto na “Congress can no longer meet after June 3rd,”. Eh sino ang magsasagawa ng canvassing ng mga boto na mandato ito sa ilalim ng ating Konstitusyon?

Hindi ba naisip ito ng mga magagaling na abogado ng mga petitioner? Sino ba ang mga ito? Kung ako ay isang naghahanap ng abogado, iiwasan ko ang mga ito. Wala yatang alam. Bira lang nang bira. Maliban lang kung malaki ang singil nila sa mga nasabing petitioner. Pero duda ako. Palagay ko ay bugso lamang ito ng kanilang emosyon at hindi nila matanggap na natalo ang manok nila.

Natawa nga ako sa pahayag ni Sen. Sotto. Para bang tinutuya niya ang mga pasimuno ng petisyon na ito.

Parang sinasabi niya na malakas silang gumawa ng mga ganitong hakbang pero hindi nila nakikita ang maaaring maging magulong kalalabasan nito. “Who will then conduct the canvass as mandated by the Consti? July 25 is a key date for Congress. So, no President or VP by June 30? What do they propose? Holdover? Tell me if that is not a crisis!” ang sabi ni Sotto.

Pati nga si Senate Minority Leader Franklin Drilon na dating Justice secretary ay nagsabi rin na hindi pagbibigyan ang petisyon ng Korte Suprema. “The Supreme Court cannot restrain or stop the Congress, acting as the National Board of Canvassers, from performing its constitutional duty of canvassing the votes for President and Vice President of the Republic, and proclaiming the winner,” ani Drilon na kilalang haligi ng oposisyon laban sa mga Marcos.

Tama na po. Nakakaumay na po ang ganitong kultura natin. Respetuhin natin ang boses ng nakararami.

Hintayin natin kung ano klaseng administrasyon ang ipinamalas ni BBM. Tiyak ako na marami ang magbabantay sa kanya. Hindi mawawala ang mga kritiko laban sa kanya. Kailangang patunayan ni BBM na hindi nagkamali sa pagpili ang mahigit na 31 milyon na Pilipino na bumoto sa kanya. Ganun din na kailangan patunayan ni BBM sa mahigit na 14 milyon na mga Pilipino na bumoto laban sa kanya na mali ang mga paratang nila.