PETISYON SA WAGE HIKE DUMAAN SA TAMANG PROSESO

BINIGYANG pansin at dumaan sa tamang proseso sa regional wage board ang lahat ng mga petisyon na naglalayong taasan ang arawang minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region, ayon sa anunsiyo ng Department of Labor and Employment nitong Martes.

Ayon kay DOLE-National Capital Region (DOLE-NCR) Regional Director Sarah Buena Mirasol, naglabas ng resolusyon ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board para ma-consolidate ang tatlong wage hike petition na humihiling ng aabot sa P213 hanggang P250 dagdag sa arawang minimum wage para sa mga manggagawa sa Metro Manila. Si Mirasol ang chairman ng wage board.

Ang hiwalay na petisyon para sa across-the-board wage adjustment na P470 kada araw na isinumite noong Marso 14 ng Trade Union Congress of Philippines ay hindi naaksiyunan ng board, wika ni Mirasol.

“Ang across the board increase ay wala sa jurisdiction ng wage board o hindi otorisado ng R.A. 6727, limitado lamang ang mandato nito sa minimum wage fixing at determination sa isang rehiyon,” ayon sa board resolution na may petsang Marso 22. Ang Republic Act 6727 ay ang batas na bumuo sa mga wage board upang magtakda ng minimum wage sa antas ng mga rehiyon.

Gayunpaman, sinabi ni Mirasol na nakatanggap ang board ng bagong petisyon mula sa TUCP para sa kaparehong halaga ng pagtataas subalit hindi na ito across the board.

Ayon sa kanya, ang petisyon ay pag-uusapan sa susunod na pagpupulong ng board.

Ayon kay Mirasol, sabay sabay na paguusapan ng wage board ang tatlong iba pang petisyon sa wage hike sa mga isasagawang joint proceeding upang pabilisin ang proseso ng pagtatakda ng taas suweldo.

“Nakatanggap ang board ng tatlong petisyon para sa pagtataas ng sahod at matapos ang pagsusuri dito, naglabas ng panibagong resolusyon ang board upang magkakasama itong pag-usapan at magsagawa ng public hearing. Binigyan namin lahat ng mga petisyon ng due course,” ayon kay Mirasol.

Isa sa mga petisyon na naisumite ay mula sa Unity for Wage Increase Now (UWIN) noong Nobyembre 25, 2019 na mayroong panukalang halaga na P213 na dagdag, isa mula sa Metro East Labor Federation (MELF) noong Marso 4, 2022 na mayroong kaparehong halaga ng pagtataas, at isa mula sa Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms (SUPER) noong Marso 4, 2022 na may panukalang dagdag na aabot sa P213 hanggang P250.

“Ang petisyon na naisumite noong 2019 ay dumaan na sa proseso. Nagsagawa na kami ng mga konsultasyon; gayunpaman, hindi namin naituloy ang pagsasagawa ng public hearing dahil sa pandemya,” wika niya.

Dagdag pa ng DOLE NCR chief “Mayroon na kaming schedule para sa konsultasyon kasama ang labor sector sa Abril 8, ang ikalawa naman ay sa Abril 19 kasama ang grupo ng mga employer, at pagkatapos niyo ay maglalabas na kami ng notice of public hearing upang imbitahan hindi lamang ang sektor ng labor, at employer kung hind imaging ang ibang organisasyon.”

Bilang pagsunod sa kautusan ni Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi ni Mirasol na isinasaalang-alang ng board ang pagbalanse ng interes ng mga manggagawa at employer sa gitna ng krisis sa Ukraine at pagtaas ng presyo ng gasoline at iba pang pangunahing bilihin. PAUL ROLDAN