ISANG petisyon na kontra sa “Oplan Baklas” ng Commission on Elections (Comelec) ang inihain ng isang kolehiyo sa Korte Suprema.
Sa extremely urgent petition for certiorari, prohibition and mandamus, hinihiling ng St. Anthony College of Roxas City sa Capiz ang pagpapalabas ng korte ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa Comelec.
Hiling sa Korte Suprema ni Atty. Ray Paolo Santiago, ng Ateneo Human Rights Center at abogado ng petitioners na magsagawa ng special raffle para agad matalakay ang kanilang petisyon.
Nais ng mga petitioner sa pamamagitan ng hiling na TRO na ipatigil ang pag-aalis, pagsira, pagbura at pagkumpiska sa lahat ng campaign materials na pag-aari ng mga pribadong indibidwal at pinondohan ng mga volunteer at pribadong mamamayan at inilagay sa mga pribadong lugar.
Ipinadedeklara ng grupo bilang unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang section 21, 24 at 26 ng Comelec Resolution 10730 na ginagamit laban sa mga pribadong indibidwal na hindi kandidato at kanilang ari-arian na gamit sa pagpapahayag ng suporta sa mga tumatakbo sa eleksiyon
Ipinasasauli rin ng mga petitioner ang mga kinumpiskang campaign materials at maibalik ang mga sinirang murals at billboards. JEFF GALLOS