Mga laro ngayon:
(Santa Rosa Multipurpose Sports Complex)
2 p.m. – Galeries Tower vs PetroGazz
4 p.m. – Akari vs Chery Tiggo
6 p.m. – Cignal vs PLDT
TARGET ng Chery Tiggo at Petro Gazz ang krusyal na panalo laban sa mga sibak nang katunggali, habang sisikapin ng PLDT na manatiling buhay ang kanilang kampanya sa pagharap sa Cignal sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference tripleheader ngayong Sabado sa Santa Rosa Multipurpose Sports Complex.
May apat na playdates na lamang ang nalalabi sa preliminaries, ang semifinal picture ay hindi pa rin tiyak dahil limang koponan ang nasa kontensiyon para sa inaasam na apat na slots.
Tumabla ang Creamline sa Choco Mucho sa unang puwesto sa 8-2 kasunod ng 25-17, 25-22, 25-19 panalo noong Huwebes ng gabi sa harap ng season-high 17,396 fans sa Smart Araneta Coliseum.
Ang Crossovers, Angels at High Speed Hitters ay nakaipit sa three-way logjam mula third hanggang fifth spots sa 7-2.
May 5-4 kartada, ang tsansa ng HD Spikers na makakuha ng isang semis seat ay maliit lamang, kung saan kailangan nitong umasa na matalo ang limang koponan sa kanilang nalalabing dalawang laro.
Sakaling magkaroon ng tabla, ang PVL points system ang magdedetermina sa semifinalists, na magtutulak sa mga contender na maka-sweep para makakuha ng krusyal na point ratios.
Bagama’t ang Highrisers at Chargers ay sibak na sa semis race, inaasahang lalaban sila nang husto para tapusin ang kanilang kampanya sa winning mode at maging spoilers.
Makakaharap ng Galeries Tower ang PetroGazz sa alas-2 ng hapon, habang sasagupain ng Akari ang Chery Tiggo sa alas-4 ng hapon.
Ang 6 p.m. clash sa pagitan ng PLDT at ng Cignal ay inaasahang magiging mainit, kung saan kinakailangang walisin ng High Speed Hitters ang kanilang huling dalawang laro kontra top rivals para makapuwesto sa semis.
Subalit matapos matalo sa streaking Crossovers noong Martes, ang High Speed Hitters ay nahaharap sa hamon ng pagre-assess sa kanilang plan at determinasyong umabante sa susunod na round.
Ang panalo sa Cignal ay magpapanatili sa semis hopes ng PLDT habang masisibak na ang HD Spikers.