PGH LIMIT NA ANG PAGTANGGAP NG NON-COVID PATIENTS

NILIMITAHAN  na ng Philippine General Hospital ang pagtanggap ng non-covid patients.

Ayon kay PGH Spokespeson Jonas Del Rosario, apektado na ang kanilang manpower ng tumataas na Covid-19 admission.

Sa katunayan, aniya, mayroon nang ibinabang direktiba na tanging mga emergency cases na lamang ang kanilang tatanggapin.

Paliwanag pa ni Del Rosario, sa oras na bumaba ang bilang ng non-covid patients sa PGH, maaari na nilang i-assign ang mga non-Covid personnel sa Covid-19 operation.

Nabatid na mula sa halos dalawang libong health workers sa Covid-19 operations ng PGH, nasa 40% dito ang kasalukuyang naka-quarantine at naka-isolate dahil sa Covid-19.

Samantala, pumalo na sa 50% ang Covid-19 positivity rate sa National Capital Region.

Ang nasabing positivity rate o bilang ng mga nagpopositibo sa Covid-19 test ay naitala noong Enero 6, 2022.

Ayon kay OCTA Research Fellow Guido David, posibleng tumaas pa ito sa mga susunod na araw.

Araw ng Sabado ay naitala ang pinakamataas na arawang kaso ng Covid-19 sa bansa matapos itong pumalo sa 26,456 na bagong kaso.