KINUMPIRMA ng Philippine General Hospital (PGH) na nakakapagtala sila nang patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa kanilang pagamutan.
Ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario, hanggang nitong Sabado lamang ay nasa 105 ang virus patients na ang naka-confine sa PGH, na pinakamalaking COVID-19 referral sa bansa.
Ang naturang bilang aniya ang pinakamalaking naitala nilang kaso sa nakalipas na apat na buwan.
Nabatid na inimpormahan na rin ng Philippine Genome Center (PGC) ang PGH na isa sa 30- anonymized samples mula sa pasilidad ang natuklasang mayroong South African variant ng sakit.
Nasa 15 healthcare workers na rin umano ang infected ng COVID-19 nitong unang apat na araw lamang ng Marso.
Dahil dito , nagsasagawa na ang PGH ng ekstensibong contact tracing, testing at pag-quarantine sa kanilang mga empleyado na exposed sa mga pasyente.
“This high number in a short period of time prompted the PGH administration to take proactive measures such as extensive contact tracing, testing and quarantining those who were exposed and isolating those who are sick to curb further spread of the disease,” ani del Rosario sa isang pahayag.
“The hospital-based different clinical rotations of medical clerks and interns have been suspended to protect them from being exposed to COVID. Stricter protocols especially on infection control measures are being implemented,” aniya pa.
Pansamantala na rin nilang sinuspinde ang elective surgical procedures habang ang outpatient consultation ay dapat isagawa sa pamamagitan ng telemedicine.
Hindi rin muna tatanggap ng walk-ins ang kanilang outpatient department.
Ang kN95 mask ang siyang preferred naman nilang gamitin ng mga indibidwal na gumagamit sa “non-COVID areas” ng pasilidad at ito’y istriktong ipatutupad sa lahat ng wards, units at service areas kung saan nakikita ang mga pasyente ang kanilang mga bantay.
Ang lahat naman ng kanilang eligible staff ay pinayuhan nang magpaturok ng COVID-19 vaccine sa lalong madaling panahon upang madagdagan ang kanilang proteksiyon laban sa virus.
Ayon kay PGH Director Dr. Gerardo Legaspi, na siyang kauna-unahang nagpaturok ng bakuna sa PGH noong nakaraang linggo, ang PGH ay mayroong 6,300 staff na eligible para mabakunahan, kabilang ang 1,000 personnel sa kanilang quick substitution list.
Tiniyak naman ni Del Rosario na sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng sakit sa pagamutan, ipagpapatuloy nila ang pagbabakuna, kung saan ang bakuna mula sa AstraZeneca ay inaasahang gagamitin na rin ngayong linggong ito.
Muli ring hinikayat ni del Rosario ang mga mamamayan na patuloy pa ring sumunod sa protocols upang hindi dapuan ng COVID-19.
“Akala siguro ng mga tao komo may bakuna na e, pawala na rin ang COVID 19, hindi po dapat ay patuloy pa rin na sumunod sa health protocols,” ayon kay del Rosario. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.