LAGUNA-SA ikalawang pagkakataon, muli na namang naaresto si Pilipinas Got Talent Season 6 finalist at dating aktor ng ABS-CBN na si Mark Joven Olvido sa isang buy bust operation sa Barangay Duhat, Sta Cruz ng nasabing lalawigan.
Ayon sa ulat, nasakote si Olvido, 32-anyos makaraang bentahan umano ng P500 halaga ng shabu ang pulis na poseur-buyer kahapon ng umaga.
Maliban sa marked money, nakumpiska rin ang P85,000 halaga ng shabu at mga paraphernalia na ginaganit ni Olvido.
Sa panayam kay Col. Rogarth Campo, Laguna PNP provincial director, muling tiniktikan ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit si Olvido makaraan makatanggap ng sumbong mula sa netizens na bumalik ito sa pagtutulak ng shabu.
Unang naaresto si Olvido noong Mayo 14, 2021 habang pumapasada ng tricycle sa nasabing barangay nang sitahin ng mga pulis at nakuha sa kanyang posesyon ang P500 halaga ng shabu na nakatakda sanang ideliver sa isang kliyente nito.
Pansamantala pinalaya ng korte si Olvido matapos magkaroon ng isang plea bargain agreement. ARMAN CAMBE