KUALA LUMPUR, Malaysia –Tinapos ng Team Philippines ang kampanya nito sa 2018 ASEAN Schools Games na may kabuuang 36 medalya upang magtapos sa ika-6 na puwesto sa 10 lumahok na bansa.
Sumabak ang bansa sa 10 sa 11 events na pinaglabanan at nag-uwi ng 9 golds, kapos ng apat sa 13 napanalunan nito noong nakaraang taon sa Singapore. Uuwi rin ang Philippine contingent na may 7 silver at 20 bronze medals.
Itinanghal na kampeon ang host country Malaysia na may 37 gold, 34 silver, at 32 bronze medals, habang pumangalawa ang Indonesia na may 31 gold, 36 silver, at 30 bronze medals.
Inokupahan ng Thailand (19-21-31), Singapore (13-16-22), at Vietnam (13-8-6) ang ikatlo, ikaapat at ikalimang puwesto, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Ang athletics team ang best performer sa meet kung saan nagbigay ito ng 6 golds, 4 silvers at 6 bronzes sa meet na idinadaos taon-taon.
Si runner Jessel Lumapas, isang Grade 11 standout ng Nazareth School of National University, ang most bemedalled athlete para sa Filipinas na may 2 golds.
Ang 17-anyos na si Lumapas, ang sprint queen ng Calabarzon, ay namayani sa 200m at 400m girls events sa Mini-Stadium ng National Sports Complex sa Bukit Jalil.
Nasiyahan naman si Philippine Chef-De-Mission Rizalino Jose Rosales sa kampanya ng bansa ngayong taon sa kabila ng pagkabigo ng mga Pinoy na mahigitan o mapantayan man lamang ang medal output noong nakaraang taon.
Pinapurihan din Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Raymond A. Maxey ang lahat ng Filipino athletes na sumabak dito sa Malaysia.
“I am very proud of them. They represented our country well. But, there will always be winners as well as losers in any sport,” pahayag ni Maxey.
Ang mga medallist ay tatanggap ng insentibo mula sa Department of Education (DepEd).
Ang edition ng ASG sa susunod na taon ay gaganapin sa Semarang, Indonesia.
Comments are closed.