PH AANGKAT NG 16,000 MT NG YELLOW ONIONS

AANGKAT ang Pilipinas ng 16,000 metric tons (MT) ng fresh yellow onions upang matiyak ang sapat na suplay ng agricultural commodity para sa holiday season.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Miyerkoles na inaprubahan na niya ang memorandum sa pag-iisyu ng sanitary and phytosanitary import clearance (SPSIC) para sa pag-aangkat ng fresh yellow onions.

“Inapruba ko na nu’ng Lunes ‘yung pag-import ng white o yellow onion dahil ang stocks natin sa tantsa ay depleted na,” sabi ni Tiu Laurel.

Ayon kay Tiu Laurel, ang bansa ay aangkat ng 16,000 MT ng yellow onions, na magpupunan sa supply deficit para sa nalalabing bahagi ng taon.

Ang volume ay base sa monthly per capita consumption ng bansa at magsisilbing buffer upang mapatatag ang presyo sa merkado.

“Limited quantity lang ‘to ng white onion na ini-import para lang to stabilize prices of white onion,” aniya.

Batay sa memorandum, ang suplay ng yellow onions sa 3,296.50 MT ay inaasahang tatagal lamang hanggang August 25, 2024.

Ayon sa Agri chief, ang first batch ng imported yellow onions ay dapat dumating sa katapusan ng linggong ito o sa kaagahan ng susunod na linggo.

Dagdag pa niya, ang pagdating ng mga inangkat na yellow onions ay hindi dapat lumagpas ng Disyembre ngayong taon upang hindi sumabay sa harvest season, na magsisimula sa Enero 2025.

Samantala, sinabi ni Tiu Laurel na ang suplay ng locally produced red onions ay tatagal hanggang Marso ng susunod na taon.
PAULA ANTOLIN