PH AEROBIC GYMNASTS SASABAK SA SUZUKI WORLD CUP SA JAPAN

(C)ALECS ONGCAL

ANIM na aerobic gymnasts, sa pangunguna ni Southeast Asian (SEA) Games bronze medalist Charmaine Dolar, ang nakatakdang lumahok sa Suzuki World Cup 2022 sa Japan sa susunod na linggo.

Mapapalaban ang mga Pinoy sa pinakamahuhusay na atleta mula sa Australia, Hungary, Japan, India, Indonesia, Italy, Mongolia, Thailand, at Chinese Taipei sa torneo na idaraos sa Ota City General Gymnasium sa Tokyo sa December 12-14.

Sasabak si Dolar sa women’s individual, mixed pair kasama si Carl Joshua Tangonan, at trio kasama sina Tangonan at Lynette Ann Moreno.

Lalahok din sina Tangonan at Moreno sa individual events.

Bubuuin nina Dorothy Grace Asuncion at Enrico Ostia ang isa pang mixed pair habang ang dalawa kasama si Christian Roi Ramayrat ay sasalang sa trio event.

Nakopo ni Dolar ang kanyang ikalawang sunod na individual bronze medal sa Vietnam SEA Games noong Mayo, habang nasikwat ni Moreno ang trio bronze medal kasama sina Queenie Grace Briones at Christopher Daniel Quevado sa 1st Aerobic Asian Cup sa Mongolia noong 2018.

Si Gymnastics Association of the Philippines (GAP) deputy secretary general Rowena Ensuya ang magsisilbing head ng delegation, na kinabibilangan nina head coach Allena Rius, at international judges Armando Asuncion at Dane Ryan Maturan.

PNA