PH AIRSPACE SHUTDOWN 2 ORAS NA LANG

MAGIGING dalawang oras na lamang ang planong six-hour shutdown ng Philippine airspace sa Mayo 17, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Naunang inanunsiyo ng CAAP na isasara ang airspace ng bansa simula hatinggabi hanggang alas-6 ng umaga ng Mayo 17 upang i-upgrade ang air traffic management system, kumpunihin ang automatic voltage regulator, at palitan ang uninterruptible power supply.

Sinabi ni CAAP spokesman Eric Apolonio na ang planong shutdown sa Philippine airspace ay tatagal na lamang ngayon ng mula alas-2 ng umaga hanggang alas-4 ng umaga sa Mayo 17.

“Tuloy po ito pero may maganda kaming balita kasi shutdown time umikli po ng 2-4 na lang,” pahayag niya sa panayam ng TeleRadyo.

Naunang sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) na ang shutdown ay makaaapekto sa flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Clark International Airport (CRK), at Mactan-Cebu International Airport (MCIA), at sa ilang flights sa 42 CAAP commercially operated airports.

Ang maintenance activities ay naglalayong maiwasang maulit ang mga insidente ng power outages sa mga paliparan sa bansa.

Noong New Year’s Day ay nagkaroon ng technical glitch sa NAIA na nagresulta sa kanselasyon ng daan-daang flights, habang noong Mayo ay naranasan ang power outage na nakaapekto rin sa libo-libong pasahero sa main gateway ng bansa.