PH AMBASSADOR NALUHA SA PAGDAONG NG NAVY SHIP SA RUSSIA

Ambassador Carlos Sorreta

VLADIVOSTOK, RUSSIA-Inihayag ni Philippine Ambassador to Russia Carlos Sorreta sa  Philippine Navy contingents na hindi dapat na maapektuhan ang Filipinas ng banggaan ng super powers.

Mensahe ito ni Sorreta nang salubungin niya ang  mga sundalo na nasa limang araw na official port visit sa Vladivostok, Russia.

Ayon kay Amb. Sorreta, “’Yung away ng Amerikano at away ng  Russia tungkol sa iba’t ibang isyu gaya sa Syria ay hindi dapat na maging hadlang sa kakayahan ng Filipinas na humanap o magbahagi ng interest sa ibang bansa.

Aminado si Sorreta na halos maiyak siya sa tuwa nang mapagmasdan niya ang pagdaong ng BRP Tarlac LD601 lulan ang Naval Task Force 87 at iba’t ibang kinatawan kasama ng Philippine Navy contingents at umangkorahe katabi ng mga Russian ship.

Sinabi nito na tama ang mga polisiya ni Pa­ngulong Rodrigo Roa Duterte sa pakikipagkaibigan sa lahat ng bansa lalo na sa  military super powers dahil sa  matagal nang nagwakas ang cold war.

Hindi umano ito mangyayari kung umiiral pa ang cold war dahil sa kawalan ng tiwala sa bawat isa at gaya halimbawa sa hanay ng mga Navy o marino na hindi magkatinginan ng mata sa mata bilang mga magkakaibigan tuwing magkakasalubong sa karagatan.

Bunsod nito ay  pinapurihan ni Sottero ang pamunuan ng Philippine Navy Naval Task Force 87 sa pamumuno ni Navy Capt. Florante N. Gagua at BRP Tarlac Commanding Office Estelito Mendoza sa mapangahas na paglalakbay tungo sa kauna-unahang Russian port visit ng Fi­lipinas.

Inaasahang simula na ito ng  higit pang magandang relasyon sa pagitan ng Filipinas at Russia hindi lamang sa usaping politikal  o may kaugna­yan sa usaping pang militar kundi sa mas magandang relasyon sa kabuuan.  VERLIN RUIZ

Comments are closed.