RIZAL–NAGSIMULA nang sumikad ang Philippines-Australia Army to Army Exercise sa himpilan ng 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division, Camp Capinpin, Tanay sa lalawigang ito.
Ang naturang pagsasanay ay binansagang “Kasangga” 2023-02 na layuning mapalawak ang kakayahan ng dalawang puwersa sa larangan ng jungle at urban operations, breaching operations, tactical casualty care, jungle survival training, maging ang intelligence, surveillance at reconnaissance operations.
Kasama rin sa ibabahagi sa pagsasanay ang mga karanasan ng 2ID at Australia Defense Force (ADF) troops sa paglaban sa mga teroristang grupo.
Pinangunahan naman ni 2ID Assistant Division Commander BGen Jose Augusto Villareal ang pagbubukas ng Kasangga 2023-02 na siyang naging pangunahing tagapagsalita ng programa habang sina Australian Defense Attache Colonel Paul Joseph Barta at Major Edwin Taber, officer Commanding ng Land Mobile Training Team ang siyang kumatawan sa Australian Army contingent.
Saksi rin sa programa sina Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad at Chief of Staff for Education & Training, Philippine Army Col. Crizaldo Fernandez.
Ayon kay BGen Villareal, ang “Kasangga” 2023-02 ay mag-iiwan ng malakas na ugnayan hindi lamang para sa Pilipinas at Australia kundi maging sa pagitan din ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas at Australian Defense Force.
Samantala, ang army-to-army exercise ay hahatiin sa dalawang batch kung saan aabot sa tig-dadalawang linggo ang bawat pagsasanay. Ang unang batch ay nag umpisa noong Mayo15 na tatagal hanggang Hunyo 3 habang ang ikalawang batch naman ay mag uumpisa sa Hunyo 3 hanggang Hunyo 23.
Ang Australia Defense Force Contingent ay kinabibilangan ng 2 kababaihan at 41 kalalakihan na mula sa 7th Battalion, Royal Australian Regiment habang ang Philippine Army Contingent naman ay binubuo ng 14 na kababaihan at 100 kalalakihan na nagmula pa sa 21st Division Reconnaissance Company ng 2nd Infantry Division na silang bubuo sa unang batch ng pagsasanay. Bubuuin naman ng 22nd Division Reconnaissance Company ng 2ID ang ikalawang batch.
Ayon naman kay 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division Commander Maj. General Roberto Capulong, “Lubos kaming nagpapasalamat sa pagkakataon na ipinagkaloob ng pamunuan ng Philippine Army at ng Defense department. Malaki rin ang magiging pakinabang ng pagsasanay na ito hindi lamang sa pagpapalakas ng ating relasyon at ugnayan sa mga Australiano kundi maging sa mga matututunan na kaalaman at karanasan mula sa mga ito. Ang pagsasanay ang magiging daan upang makasama ng ating mga kasundaluhan ang kanilang foreign army counterpart tungo sa pagpapalakas ng kapabilidad ng mga ito sa pagsiguro laban sa anumang banta sa hinaharap.”
VERLIN RUIZ