PH BABAWI HANGGANG 5%-6% NG  ‘UNEMPLOYMENT’ SA ILALIM NG BAYANIHAN III

Joey Sarte Salceda

BABAWI ang Filipinas hanggang 5%-6% sa “unemployment” nito kapag nakabili na bakuna sa Covid-19 at dahan-dahang luluwagan na ang mga ‘quarantine lockdowns” sa ilalim ng panukalang Bayanihan III Act.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, batay sa mga ulat, mga 4.5 milyong Filipino ang nawalan ng trabaho ngayong 2020 bunga ng mahigpit na mga ‘lockdowns.” Katumbas ito ng 10.4% unemployment, pinakamataas sa nakaraang 15 taon. Bumaba na ito sa 8.5% nitong Agosto matapos luwagan ang quarantine at nakabalik trabaho ang ilan sa kanila.

“Naniniwala akong kapag may bakuna na, babalik  tayo sa dating normal at makakabawi hanggang sa 5-6%,” sabi ni Salceda na  may-akda ng P302-bilyong Bayanihan to Rebuild as One Act III, na ang P75 bilyon ay para sa bakuna, ibang pangkalusugang gamit at iba pang ‘regulatory and fiscal interventions.’

Nakapaloob sa Bayanihan III ang mga sadyang kailangang hakbang para makabangon ang ekonomiya, at magsisilbi itong “booster shot” o iniksiyong pampalakas para mapabilis ang pagbawi. Tinataya ring magbibigay ito ng 1.5% karagdagan sa GDP ‘incremental deficit’ ng bansa, ngunit sadya at lubhang kailangan ito upang totohanang makapagsimulang makabangon ang bansa sa 2021.

“Pinakamalaking pagkakagastahan ang bakuna (P75B) sa ilalim ng Bayanihan III, ngunit kailangang bilhin na ito ngayon, hindi bukas, para matiyak ang mabisang tugon sa pandemya ng pamahalaang pambansa at lokal, lalo na matapos ang pananalasa ng dala-wang bagyo at ang mabagal na pagbawi ng ekonomiya nitong nakarang ‘quarter’” giit ni Salceda.

Sinabi niyang lilikha ang pinondohang bakuna ng ‘herd mentality’ at magpapalakas sa determinasyon ng mga Filipino na bumawi mula sa dagok pangkaisipan ng Covid-19 at pasulungin ang kanilang buhay. “Pinaka-kritikal na sangkap ang malawakang pagba-bakuna sa ating pagbangon. Magiging parang ‘magic’ ang bisa nito, dagdag niya.

Nagtalaga ang gobyerno ng P3 trilyong uutangin ngayong 2020 at karagdagang P3 trilyon sa susunod na taon, ngunit ayon kay Salceda, batay sa panloob at panlabas ng pananalapi ng bansa, ang bilis at bisa ng ‘stimulus response’ at ‘structural reforms’ nito ang magbibigay hugis at direksiyon sa ekonomiya at buhay ng mga Pinoy pagkatapos ng pandemya.

Bukod sa halagang laan para sa bakuna, kasama rin sa Bayanihan III ang P40-bilyon tulong sa pagtugon ng mga pamahalaang lokal sa mga kalamidad, P100 bilyon para sa pangkalusugan at kaakibat nito mga impraestruktura sa ilalim ng ‘Build-Build-Build program,’ P10 bilyong ayuda sa agrikultura at ‘fisheries,’ P7 bilyon para sa ‘rent refinancing,’ P10 bilyon pautang sa mga kompanya para sa ika-13 buwang benepisyo ng mga empleyado, P10 bilyon para sa Tulong Para sa Displaced workers (Tupad);

P10 bilyon para sa ‘Covid Adjustment Measures Program (CAMP),’ P10 bilyon para sa ‘Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS),’ P10 bilyon para sa ‘Medical Assistance for Indigents Program (MAIP),’ tig-P5 bilyon para sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)’ at ‘Commission on Higher Education,’ at P10 bilyon para sa mga programa ng Department of Education (DepEd).

“Mga P1.9 trilyon kita ang naiambag namin sa pamahalaan sa ilalim ng mga repormang batas na naipasa na, ngunit tila mabagal ang pasok dahil sa ilang mga isyu, kaya kailangan pa ang malikhaing mga reporma sa pananalaping mga estraktura. Dahil dito, sadyang kailangan ang pangatlong ‘stimulus program’ para tiyaking hindi kakainin at gigibain ng krisis ang mga haligi ng ekonomiya. Lalong mahirap bumangon kung tuluyang magsasara ang mga negosyo,” dagdag niyang paliwanag.

Comments are closed.