NAGBABALIK ang Pilipinas sa Le Tour de Langkawi matapos ang mahigit dalawang dekadang pagliban kung saan anim sa mahuhusay na road cyclists ng bansa ang sasabak sa eight-stage Hors category event na magsisimula sa Linggo sa Langkawi Island sa Malaysia.
Ang Philippine National Road Team ay binubuo nina Ronald Oranza, Marcelo Felipe, Jan Paul Morales, Junrey Navarra, Joshua Pascual at Jude Gabriel Francisco sa ilalim ng gabay nina Ronald Gorantes, Virgilio Espiritu at Mark John Lexer Galedo kasama sina Ric Rodriguez bilang team manager at Roderick Calla bilang mechanic.
Binigyang-diin ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino, na siya ring head ng PhilCycling, ang kahalagahan ng Tour de Langkawi bilang isa sa pinakaprestihiyoso at mahirap na multi-stage International Cycling Union (UCI) races sa Asia.
Ang national road team ay suportado ng Philippine Sports Commission na pinamumunuan ni Richard Bachmann at ni commissioner-in-charge for cycling Walter Torres, gayundin ng UCI continental teams Standard Insurance, 7-Eleven Road Bike Philippines at Victoria Sports Pro Cycling Team kung saan ang lahat ng anim na riders ay mga miyembro.
Ang Pilipinas ay unang sumabak sa Tour de Langkawi sa third edition nito noong 1998 sa pamamagitan ng team nina Victor Espiritu, Arnel Quirimit, Carlo Jazul, Enrique Domingo, Warren Davadilla at Gerardo Amar na best-placed sa limang Asian teams at 10th overall sa 21-team race.
Subalit noong 2003 ay huling pumadyak ang Pilipinas bilang national team na kinabibilangan nina Victor Espiritu, Quirimit Domingo, Lloyd Reynante at Merculio Ramos.
Ang Pagcor Casino Trade Team ay kumarera sa Langkawi mula 2004 hanggang 2006 at sa mga kamakailang taon, ang bansa ay kinatawan ng 7-Eleven Roadbike Philippines continental team sa “by invitation only” event.
Tatlong UCI Word Teams, pitong Pro Teams at siyam na Continental Teams at tatlo lamang na national teams—Philippines, Malaysia at Thailand— ang bumubuo sa karera ngayong taon na magtatapos sa October 6 sa Bintulu.