PH BAMBOO INDUSTRY DEV’T COUNCIL MAY BAGONG IDEYA PARA SA TRABAHO AT INVESTMENTS

Bamboo

MABUTING pagsisikap ang ginagawa ng Philippine Bamboo Industry Development Council (PBIDC) sa pagtugon sa mga hamon ng bamboo industry sa bansa. Ibinahagi ni PBIDC Chairman at Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na natukoy na ng council ang mga bagong hakbangin at estratehiya para mapalago ang industriya na magdudulot ng pamumuhunan at makapagbibigay ng trabaho.

“We are updating our strategies and expanding the list of government agencies as well as private sector partners to be involved in the development of this industry. It will be a whole-of-nation approach to ensure sustainable progress. We are also working closely with long-time bamboo industry advocates House Deputy Speaker Deogracias Victor DV Savellano and the Philippine Chamber of Mines official Atty. Leo Dominguez,” ani Sec. Lopez.

Sa ginanap na council meeting kamakailan, naglagay na ng mga estratehiya tulad ng pagtukoy sa mga lupa na nababagay pag-taniman ng kawayan; pagkuha ng tamang tanim at materyales sa pagtatanim, pagpaparami, paglalagay ng treatment facilities; product development assistance; pagtuklas ng mga potensiyal ng bamboo fiber at mga produkto nito, at ang pagsama sa kawayan sa crop insurance. Tinitingnan din ng council ang pagtatayo ng industriya ng kawa­yan sa mga barangay level para makapagbigay ng trabaho at oportunidad sa negosyo.

Ang pagsasama ng  Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), State Universities and Colleges (SUCs), Commission on Higher Education (CHED), Climate Change Commission, gayundin ang National Commission on Indi­genous People (NCIP) bilang partner agencies ay tinalakay rin.

Kasalukuyang pinag-aaralan ng DTI ang 101 Shared Service Facilities (SSF) pagdating sa bamboo processing sa buong bansa. Nililikom din ang potensiyal ng merkado ng kawayan. Iuugnay din dito ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa skills development, training, at scholarships sa produksiyon ng kawayan at pro­seso nito. Samantala, ang DTI-Bureau of Philippine Standards ay magtatayo rin ng panuntunan para sa produkto ng kawayan.

“The goal is to make the development of the bamboo industry more inclusive. Encourage farmers to plant bamboo and provide economic activities in their communities,” dagdag pa ni Sec. Lopez.

Bilang isa sa inis­yatibo, ang PBIDC kasama ang mga partner sa industriya ay nagpakita ng mataas na kalidad ng bamboo-made products sa kasalukuyang Manila FAME. Tampok ang mga kontemporaryong di­senyo ng Filipino bamboo manufacturers at artisans sa premiere lifestyle exhibitions sa Asia Pacific.