PH BATTERS BIYAHENG CHINESE TAIPEI

PH Batters

MATAAS ang morale at kumpiyansa sa kanilang kampanya sa kabila na malalakas ang mga katunggali, aalis ngayon ang PH baseball team patungong Chinese Taipei para lumahok sa Olympic qualifying Asian Baseball Championship na aarangkada sa Oktubre  6.

Makikipagsabayan ang mga Pinoy, reigning champion sa Southeast Asian Games at Asia Cup II, sa mga koponan mula sa Japan, South Korea, China, Sri Lanka at host Chinese Taipei.

Ang kampanya ng mga Pinoy ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez at ng Philippine Olympic Committee (POC), sa pamumuno ni Cavite Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino.

Inamin ni coach Orlando Binarao na mabigat ang kanilang kampanya subalit gagawin nila ang lahat para maging unang team sa bansa na maka-paglalaro sa Olympic Games.

“It’s a tough job to accomplish. Lalaban kami kahit malakas ang mga kalaban dahil may mission kami na dapat tuparin,” sabi ni Binarao na makakatuwang sina Osaka born Japanese coach Keije Takayama, Ric Jimenez at Edgar de los Reyes.

“Once in a lifetime dumating sa atin at kailangang samantalahin natin ang pagkakataon,” wika ni Binarao.

Ang torneo ay magsisilbi ring final tune-up ng koponan sa SEA Games kung saan itataya nila ang korona na kanilang hinawakan magmula pa noong 2005. CLYDE MARIANO

Comments are closed.