KUMPIYANSA si national beach volleyball head coach Jan Doloiras na mas magiging makinang kumpara sa nakalipas na kampanya ang medalyang makakamit ng beach volley spikers sa 31st Southeast Asian Games sa Mayo 12-23 sa Hanoi, Vietnam.
Ayon kay Doloiras, mas nakapaghanda at higit na may karanasan sa laban ang komposisyon ng koponan kumpara sa isinabak ng bansa sa 2019 edition ng biennial meet sa Manila.
“‘Yung plano ng aming ‘Godfather’ Rebisco at ng national association ay talagang nagbunga at tamang-tama sa mga players natin. After the Australian camp, we decided to join the competition in Brisbane at talagang lutang na lutang ‘yung kahandaan ng mga players,” pahayag ni Doloiras sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes via Zoom.
Sa Manila edition, nakamit lamang ng women’s beach pair ang bronze medal.
Kinatigan ng beteranong si Jovelyn Gonzaga, nagbabalik sa beach volleyball matapos ang halos isang dekadang paglalaro sa indoor game, ang pahayag ni Doloiras kasabay ng pangako na mas paiigtingin ang pagsasanay upang makamit ang minimithing tagumpay.
“Huling laro sa beach volleyball noong 2011, natigil kami ay lumipat sa indoor volleyball. Gustong ko sanang magretiro sa indoor game na may medalya sa SEA Games kaso kinapos kami last time,” sambit ng 26-anyos na Sgt. sa Philippine Army.
Mahigit isang buwan pa lamang nagsisimula ang pakikipagtambalan niya kay Dij Rodriguez, subalit lumikha na sila ng ingay matapos magawagi ng gintong medalya kamakailan sa Australian Beach Volleybal Championship Division 1 laban sa hometown pair nina Alice Zeimann at Anna Donlan. Nagwagi rin ng gintong medalya sa men’s side sina Ranran Abdilla at Jaron Requinton laban kina Issa Batrane at Frederick Bialokoz sa Men’s Challenger Division I, habang silver medalist ang tambalan nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons.
“This is the same team na ilalaban natin sa Vietnam SEAG. So far, ‘yung chemisty and teamwork, walang problem nakita mong nag-eenjoy sila sa bawat partner nila. May kaunting adjustment lang kami at ito ang paghahandaan namin,” pahayag ni Doloiras sa sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at PAGCOR.
Para kay Doloiras, mananatiling ang Thailand at Indonesia ang mahigpit na karibal ng Philippine Team.
Para kina Rondina at Pons, panahon na para anihin ang bunga ng kanilang sakripisyo at mahabang panahong ginugol sa pagsasanay at pagsabak sa kompetisyon sa local at international competition.
“Ready na kami. Matagal na rin namin itong pinaghandaan, basta kami laban lang kung laban, kahit kulang sa height, ‘yung diskarte at sa bilis namin kinukuha ang panalo,” sambit ng 25-anyos na si Rondina, ipinagmamalaki ng Compostela sa Cebu. EDWIN ROLLON