TULAD ng ibang Filipino athletes sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games, ang mga miyembro ng beach volley national team ay umaasa sa homecourt advantage sa paghahangad na makopo ang mailap na medalya.
Ang huling pagkakataon na nagwagi ang Filipinas ng medalya sa women´s beach volley ay sa 2005 Manila SEA Games, isang bronze mula sa tambalan nina Heidi Ilustre at Diane Pascua.
Ngayong taon, ang women´s team na binubuo nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons, at Dzi Gervacio at Floremel Rodriguez, ay umaasang makakaakyat sa podium. Ang men´s team nina Edmar Bonono at Jude Garcia, at Anthony Arbasto at James Buytrago ay ganito rin ang inaasahan.
“With all the support we received, our teams are hoping to get far in this SEA Games,” wika ni team manager Cha Soriano sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa Amelie Hotel in Manila. Tinukoy niya ang Philippine Sports Commission (PSC) at ang Rebisco bilang kanilang pinakamalaking supporters.
Bumisita rin si Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. (LVPI) training director Peter Cayco sa forum, kasama sina coaches Paul John Doloiras at Jason Gabales, at physical therapists Faye Acordon at Carl Dimaculangan.
Ayon kay Cayco, bilang host, ang Filipinas ay pinapayagang magpasok ng dalawang pares sa bawat division.
Ang beach volleyball ay may nakatayang dalawang gold medals ngayong taon, at gaganapin sa Nov. 29- Dec. 6 sa Subic. CLYDE MARIANO
Comments are closed.