PH BIGO SA GDP GROWTH TARGET

GDP DOWN

NABIGO ang pamahalaan na makamit ang 6.5 hanggang 6.9 porsi­yentong gross domestic product (GDP) growth target sa taong 2018.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA),  lumago ang ekonomiya ng bansa ng 6.1 percent sa fourth quarter ng 2018, isang growth rate na nagdala sa full-year economic expansion sa 6.2 percent.

Isinisi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang kabiguang ito sa inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Aniya, maaaring nakamit o nahigitan pa sana ang GDP growth goal noong 2018 kung walang nangyaring inflation.

Aminado rin si Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na malaking balakid ang inflation sa paglago ng ekonomiya.

Magugunitang nai­tala ang 10-year high na inflation o pagsipa ng presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo noong nakaraang taon makaraang ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Tiwala naman ang Malakanyang na makababawi ang ekonomiya ng bansa ngayong 2019 dahil sa inilatag na mga programa, partikular ang ‘Build, Build, Build’.

Para sa kasaluku­yang taon ay nasa 7 hanggang 8 porsiyentong GDP growth ang target ng pamahalaan.

Ang 6.2 percent GDP growth sa taong 2018 ay mas mabagal sa 6.7 percent na naitala noong 2017.

Ito rin ang pinakamabagal sa loob ng tatlong taon magmula nang lumago ang ekonomiya ng 5.8 percent noong 2015.

Ayon kay National Statistician Lisa Grace Bersales, ang mga driver sa fourth quarter growth  ay ang construction; trade and repair of motor vehicles, motorcycles, personal and household goods; at iba pang serbisyo.

Kabilang sa major economic sectors sa nasabing quarter, ang industry ang lumago ng pinakamabilis sa 6.9 percent, sumusunod ang services sa 6.3 percent, at agriculture sa 1.7 percent.

Sa National Accounts data na ipinalabas ng PSA, pagdating sa peso, ang ekonomiya ay lumago ng 6.2 percent sa P17.422 trillion noong nakaraang taon mula sa P15.806 trillion noong  2017.

Bukod sa inflation, sinabi ni Pernia na na­ging salik din sa pagbagal ng paglago ng ekonomiya ang mahinang performance ng sektor ng agrikultura.

“I think there are se­veral factors, of course, but I would highlight the performance of agriculture as a drop from 4 percent to 0.8 percent is a major failure,” aniya.

Ang farm sector ay lumago lamang ng 0.8 percent noong 2018 mula sa 4.0 percent noong 2017 dahil sa mga bagyo.

Comments are closed.