PH BOWLERS BIYAHENG KUWAIT

Kuwait

BILANG final tune-up sa kanilang paghahanda para sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games, sasabak ang mga Pinoy bowler sa Asian Bowling Championship sa Kuwait sa Oktubre 22, tampok ang mga manlalaro mula sa mahigit 50 bansa.

Nakatakdang umalis sa Linggo at gagabayan ni bagong coach Robert Anderssen ng Sweden, katuwang sina coaches Engelberto ‘Biboy’ Rivera at Jojo Canare, makikipagsabayan ang mga Pinoy, sa pangunguna nina Lara Posadas at Marwin Tan, sa mga katunggali at determinadong manalo para tumaas ang morale bago ang biennial meet.

Pinalitan ni Anderssen si four-time World Cup of Bowling champion Rafael Nepomuceno na pansamantalang nagpahinga.

Kasama nina Tan at Posadas sina Lisa del Rosario, Raoul Miranda at Dyan Coronacion.

Hindi maganda ang ipinakita ng mga Pinoy sa nakalipas na dalawang SEA Games na ginawa sa Singapore at Malaysia.

Ang pinakamagandang showing ng bowling sa SEA Games ay noong 1981  edition sa Manila kung saan humakot ito ng 9-6-4 medalya, sa pangunguna nina Nepomuceno at Bong Coo.

Ang kampanya ng mga Pinoy ay sinuportahan nina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na isa ring dating bowler.

Umaasa si Coo, secretary-general ng Philippine Bowling Federation, na maganda ang ipakikita ng mga bowler dahil puspusan ang kanilang paghahanda, kabilang ang paglahok sa iba’t ibang torneo sa loob at labas ng bansa.

“Sana manalo sila at tumaas ang kanilang morale sa kanilang medal campaign sa SEA Games,” sabi ni Coo. CLYDE MARIANO

Comments are closed.