AALIS bukas patungong Hong Kong ang mga Pinoy bowler para sumabak sa World Men’s Bowling Championship kung saan mapapalaban ang mga ito sa mga bigating katunggali mula sa mahigit 100 bansa.
“Hopefully, they would live up to expectation and bring home medals,” sabi ni Jennifer Ong ng Philippine Bowling Federation.
Sa masusing gabay nina coach at four-time World Cup champion Rafael ‘Paeng’ Nepomuceno at World Masters ruler Engelberto ‘Biboy’ Rivera, makikipagsabayan ang mga Pinoy na determinadong manalo at iwaksi sa kanilang isipan ang kabiguan sa Asian Games sa Indonesia at Southeast Asian Games sa Malaysia.
Nakasalalay ang kampanya ng Pinas kina Kenneth Chua, Angelo Kenzo Umali, Merwin Tan, Jomar Jumapao at Raoul Miranda.
Kamakailan ay nanalo si Chua sa tournament sa Hong Kong at determinado siyang magwagi ulit.
Si Miranda na pinakabeterano sa koponan ang tatayong team leader.
Hindi kasama si Enzo Hernandez sa koponan dahil kasalukuyan siyang nag-aaral sa Estados Unidos.
Umaasa si Nepomuceno na maganda ang ipakikita ng mga Pinoy sa Hong Kong dahil naghanda sila nang husto.
“It’s hard to predict because the level of competition is high where the best and finest bowlers in the region are seeing action. Hopefully, they would survive the great odds and bring home honors,” sabi ni Nepomuceno.
Ang kampanya ng mga bowler ay ginastusan ng Philippine Sports Commission na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez.
Ang bowling ay kasama sa priority sports ng PSC na kinabibilangan din ng archery, athletics, boxing, billiards, taekwondo, weightlifting, at wrestling. CLYDE MARIANO
Comments are closed.