PH BOXER NAGKASYA SA SILVER

Rogen Ladon

JAKARTA – Nagkasya si Rogen Ladon sa silver medal sa 2018 Asian Games boxing competition makaraan ang kontrobersiyal na pagkatalo kay Jasurbek Latipov ng Uzbekistan kahapon sa Jakarta International Expo rito.

Si Ladon ang ‘last man standing’ para sa Team Philippines na may pag-asang maiuwi ang ika-5 gold medal ng bansa.

Subalit, dahil sa pagtagas ng dugo mula sa sugat sa kanyang kanang kilay dulot ng head butt ni Latipov, napilitan ang ring doctor na itigil ang laban.

Maging ang boxing announcer ay hindi alam kung paano idedeklarang panalo si Latipov sa gold medal match na inihinto, may 22 segundo ang na­lalabi sa  second round.

Tinawag ng games announcer sa JI Expo ang panalo na isang Referee Stopped Contest-Second Round, subalit ang verdict ay dinesisyunan ng judges’ scorecards na pabor sa Uzbek, 3-1.

“It’s a big disappointment,” wika ni Ladon matapos ang medal ceremony.

“It’s a major disappointment. Not only me, but the entire country aspired for the gold medal,” dagdag pa niya.

Sa pagkatalo ay tinapos ng Filipinas ang kampanya nito sa quadrennial meet na may 4 gold, 2 silver at 15 bronze medals, sapat para sa ika-19 puwesto sa medal standings, malayo sa nag-iisang gold na napanalunan ni Daniel Caluag sa BMX cycling sa Incheon noong 2014.

Ang Philippine delegation ay magsisimulang umuwi sa Lunes.

Nanatiling pinakadominante sa Games ang China na may 273 medals—123 ay gold – kasunod ang Japan na may 70 golds at South Korea na may 45.

Muli namang nabigo ang Filipinas sa Indonesia, 17-25, 25-23, 19-25, 20-25, upang magtapos sa ika-8 puwesto sa women’s volleyball competition na may isang panalo lamang laban sa apat na talo sa Gor Bulungan Gym, Gelora Bung Karno Complex.

Kumulapso ang mga Pinay sa fourth set upang isuko ang seventh-place spot sa hosts sa harap ng maingay na  home crowd.

Nanguna si star spiker Aprilia Santini Manganang para sa Indonesians na may 16 kills at tatlong blocks para sa 19 points, habang ang kanyang kapatid na si Amasya Manganang ay tumapos na may 8 points, kabilang ang  crucial hits sa third at fourth sets.

Sa kabila ng kabiguan ay nasisiyahan naman si head coach Shaq Delos Santos sa ipinakita ng kanyang tropa sa pagbabalik ng Filipinas sa Asian Games volleyball magmula noong 1982 sa New Delhi.

“We came here with a very modest goal of making it into quarterfinals, so it’s still a mission accomplished for us,” wika ni  Delos Santos.

Isang straight-set win laban sa Hong Kong sa preliminaries ang nagbigay sa Filipinas ng isang puwesto sa quarterfinals kung saan nakabangga nila ang higanteng China.

Samantala, todo pa­puri si Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas sa mga Pinoy athlete na sumabak sa 18th Asian Games.

Binati ni Vargas ang mga miyembro ng de­legasyon sa kabila ng ilang kabiguan.

“‘Yung mga atleta natin can stand proud on the medal stand. We have really improved our medal tally from one gold, three silvers and 11 bronze medals. We’ve done better,” ani Vargas.  CLYDE MARIANO

Comments are closed.