JAKARTA – Nakasiguro na ang Filipinas ng isa pang silver medal makaraang gapiin ni Rogen Ladon si Yuttapong Tongdee ng Thailand, 5-0, upang umabante sa gold medal match sa flyweight division ng boxing competition sa 2018 Asian Games dito kahapon.
Sa panalo ay naisaayos ni Ladon, isang 2016 Olympian, ang final duel kay Jasurbek Latipov ng Uzbekistan na sinibak si Azat Uzenaliev ng Kazakhstan, 4-1, sa isa pang semifinal match sa Jakarta International Expo Boxing Hall, sa Sabado, alas-3:15 ng hapon (Manila time).
Umaasa si Ladon na maiuuwi ang ika-5 gold medal ng bansa matapos nina weightlifter Hidilyn Diaz, skateboarder Margielyn Didal at golfers Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Louise Kaye Go.
“I just followed my coaches’ instructions—to make full use of my straights,” wika ng 24-anyos na si Ladon, na umakyat ng isang division para sa Games na ito.
“In the first round, I tried to get the feel of his [Thai] strategy and come the second round, my jab-straights found their marks,” ani Ladon, na agad binati ni Philippine Olympic Committee President Ricky Vargas at Chairman Abraham Tolentino.
“I sort of confused the Thai by changing Rogen’s style in the first round,” pahayag ni men’s head coach Ronald Chaves. “The instruction was to tease the opponent with his right and deliver the left straight.”
“In the first round alone, we knew Rogen had the Thai under control,” dagdag pa ni Chavez.
Sa Palembang ay nagtapos sina Hermie Macaranas at Ojay Fuentes sa third sa preliminaries upang umabante sa finals ng canoe’s 200-meter men’s doubles.
Naorasan ang mga Pinoy ng 41.441 seconds sa pagtatapos sa likod ng China (38.473) at Kazakhstan (38.762) sa Heat 1 ng five-team event.
Nakatakda ang finals sa Sabado, alas-9 ng umaga (10 a.m. sa Manila).
Ang event ay huling tsansa ng Philippine Canoe Kayak Dragon Boat Federation para sa medalya makaraang mabigo sa traditional boat race’s 200, 500 at 1000 meters noong nakaraang linggo.
“The boys will keep on fighting. The opposition is tough, but we’ll see tomorrow,” wika ni coach Len Escollante.
Samantala, winalis ng Filipinas ang unang dalawang laro nito laban sa Laos, 2-1, at Pakistan, 2-1, upang makasiguro ng quarterfinal slot sa men’s team event ng soft tennis competition sa Jakabaring Sports City Courts.
Sumandal sa troika nina Joseph Arcilla, nakababatang kapatid ni dating national player Johnny Arcilla, Mark Anthony Alcoseba at Noel Damian, Jr., dinaig ng mga Pinoy ang Laotians at Pakistanis sa Group A.
Hanggang press time ay nakikipaghamok ang mga Pinoy laban sa Koreans kung saan ang panalo ay maghahatid sa Nationals sa semifinals, habang ang pagkatalo ay magdadala sa kanila sa round-of-eight laban sa Taiwanese.
Sa triathlon ay bigo sina reigning Southeast Asian Games champion Kim Mangrobang at Filipino-American Kim Kilgroe na masungkit ang ginto sa women’ division na napanalunan ni Yuko Takahashi ng Japan sa oras na 1:59.29 seconds.
Dumating si Mangrobang, nag-training sa Portugal, na seventh sa oras na 2:05.20 seconds, habang si Kilgroe ay ninth sa 2:06.57 seconds.
Napunta ang pilak kay Mengying Zhong ng China sa 2:01.16 seconds at ibinulsa ni Long Hoi ng Macau ang tanso sa 2:01.28 seconds.
Sa squash, yumuko si Yvonne Alyssa Dalida kay Riffat Khan ng Pakistan, 11-13.
Comments are closed.