MAGIGING abala ang Philippine boxing team sa huling dalawang quarters ng taon kung saan sasabak ito sa tatlong major tournaments, tampok ang kampanya nito sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa Disyembre.
Ayon kay men’s team coach Roel Velasco, puspusan na ang paghahanda ng Filipino pugs para sa nalalapit na World Championships sa Yekaterinburg, Russia sa Setyembre, na susundan ng SEA Games pagkalipas ng tatlong buwan, at sa Olympic qualifiers simula sa Enero 2020.
Bagama’t ang world meet ang susunod na nasa radar ng Alliances of Boxing Association in the Philippines (ABAP) dahil nakatakda ang torneo sa Set. 7-15, ang SEA Games ang pangunahing prayoridad ng koponan, lalo na’t idaraos ang biennial meet sa bansa sa unang pagkakataon sa loob ng 14 taon.
Sa kanyang pagharap sa weekly Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Amelie Hotel-Manila kahapon, kumpiyansang sinabi ni Velasco na may kakayahan ang mga boksingero na mahigitan ang dalawang gold, isang silver, at dalawang bronze medals na natamo ng bansa sa huling edition ng SEAG sa Kuala Lumpur, Malaysia, dalawang taon na ang nakalilipas.
“Malalagpasan natin ‘yung ginawa nila sa Malaysia lalo na at tayo ang host this December,” wika ni Velasco, bronze medalist sa 1992 Barcelona Olympics.
Dalawa sa gold medalists sa katauhan nina Eumir Felix Marcial at John Marvin, gayundin si bronze winner Ian Clark Bautista, ay kasama ni Velasco sa forum na handog ng San Miguel Corp. Braska Restaurant, Amelie Hotel, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sinabi ng 26-anyos na si Marvin, nagwagi ng light-heavyweight gold sa Malaysia, na gagawin niya ang lahat para mapanatili ang titulo, lalo na’t lalaban siya sa harap ng kanyang mga kababayan sa PICC center, ang venue ng boxing events.
“Anything less than a gold medal. I’m after that gold,” ani Marvin, miyembro ng British Army, na ang ama ay nagmula sa United Kingdom habang ang kanyang ina ay taga-Pampanga.
Matatangka rin si Marcial, 23, sa double gold, na itinuturing ang lahat ng makakatunggali na malaking banta sa kanyang back-to-back bid.
“Lahat naman ‘yan malalakas kasi lahat ‘yan nag-aasam ng gold,” aniya.
Umaasa si Velasco na mabubuo ang final roster ng walong boxers para sa men’s team at lima sa distaff side sa late October o early November. CLYDE MARIANO
Comments are closed.