HANGZHOU – Pinangunahan ng solid play ni Menandro Redor, tumapos ang national para chessers na may 3 gold, 2 silver at 2 bronze medals sa standard event upang igiya ang Pilipinas sa 12th overall sa standings sa kalagitnaan ng 4th Hangzhou Asian Para Games dito nitong Huwebes.
Sa kanyang ikalawang Asian Para Games, naipuwersa ni Redor si Turkman top seed Atabayev Aygdogdy sa draw sa seventh at final round, upang pangunahan ang men’s squad sa sweep ng B2-B3 standard event at tanghaling unang double gold medalist sa continental sportsfest.
Ang PH chesser, na may less than 10 percent vision sa parehong mata, ay tumapos na tabla sa first na may 5.5 points kay Iranian Amir Rabbi Khorasgani, ngunit nakuha ang gold sa pamamagitan ng tiebreaker makaraang makalaban ang mas malalakas na players sa seven-round series.
Si Armand Subaste ang susunod na best local chesser na may 4 points matapos na makipag- draw kay Tajikistan’s Suhrob Hamdamov habang ang PH squad, na kinabibilangan ni Darry Bernardo, ay tumapos na may 9.5 points sa pagkopo ng team gold.
Nakopo ni Atty. Cheyzer Crystal Mendoza ang ikatlong gold sa chess bagama’t natalo kay Mongolia’s Khisigbayar Migjee sa last round ng women’s individual standard PI event na may final 5.5 points, ang kaparehong same output ni Indonesia’s Yuni, na tinalo si compatriot Lilis Herna Yulia sa iba pang match.
Kinuha ni Mendoza ang mint sa pamamagitan ng winner-over-the-other rule makaraang gapiin ang top Indon sa naunang mga rounds.
Kahit paano ay napagaan ng mga tagumpay ang kabiguang nalasap ng Nationals sa men’s PI event kung saan hinubaran sila ng korona kapwa sa team at individual events ng Indonesia kasunod ng pagkatalo ni FIDE Master Sander Severino kay veteran No. 1 Tirto sa final round.
Si Severino, pinangunahan ang koponan sa pagwalis sa parehong events sa 2018 Jakarta edition, ay bumagsak sa individual bronze medal habang nakopo ni Henry Roger Lopez ang silver sa likod ni Tirto matapos ang kanyang final-round win kontra Mongolian Sundui Sonom.