PINATAOB ng Philippine men’s team ang Zambia, 2.5-1.5, habang dinispatsa ng women’s squad ang South Korea, 3-1, upang mapalakas ang kanilang tsansa matapos ang siyam na rounds sa 43rd World Chess Olympiad sa Batumi, Georgia noong Miyerkoles ng gabi.
Ipinagkaloob ni International Master Jan Emmanuel Garcia ang nag-iisang panalo – isang 60-move triumph laban kay Kela Kaulule Siame sa Engish Opening sa board three— para sa mga Pinoy habang nagkasya sa draw sina Grandmasters Julio Catalino Sadorra at John Paul Gomez at IM Haridas Pascua kina IM Andrew Kayonde, FIDE Master Douglas Munebga at Prince Daniel Mulenga sa boards 1, 2 at 4, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Ang 54-seeded PH ay umangat sa 14-country tie para sa 20th place na may 12 match points makaraang minsang mahulog sa labas ng top 100 nang matalo sa Lebanon sa fifth round.
Ang Filipinas ay apat na puntos na lamang ang agwat sa Poland, na kinuha ang solo lead makaraang gulantangin ang top seed at reigning champion United States, 2.5-1.5.
Hanggang presstime ay naglalaro ang mga Pinoy na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at ni NCFP president Butch Pichay, laban sa Ecuadorians, na namayani sa South Africans, 2.5-1.5, sa 10th at penultimate round.
Sa women’s action, nanaig sina WGM Janelle Mae Frayna, WFM Shania Mae Mendoza at WIM Bernadette Galas laban kina WFM Wang Chengjia, WFM Roza Eynula at Kim Yubin sa boards 1, 2 at 4, ayon sa pagkakasunod-sunod, upang pangunahan ang Pinay chessers sa panalo.
Yumuko naman si WIM Marie Antoinette San Diego kay Park Sunwoo sa board three.
Umakyat ang PH sa 13-country logjam sa 33rd spot na may 11 points at nakikipagbuno sa Moldova hanggang press time.
Comments are closed.