PH ‘DI UMUBRA SA INDONESIA SA 2026 FIFA WORLD CUP AFC QUALIFIERS

Photo by PFF-PMNFT Media

TINAPOS ng Philippine men’s national football team ang kanilang 2026 FIFA World Cup AFC Qualifiers sa isa pang talo makaraang malasap ang 2-0 loss sa Indonesia noong Martes sa Jakarta, Indonesia.

Tatapusin ng mga Pinoy ang qualification round na walang panalo matapos ang 0-1-5 win-draw-loss card sa Group F. Ang Iraq ang kasalukuyang nangunguna sa pool na may impresibong 5-0-0 record kasunod ang Indonesia (3-1-2) at Vietnam (2-0-3) sa ikalawa at ikatlong puwesto, ayon sa pagkakasunod.

Umiskor sina Thom Jan Haye at Rizky Ridho Ramadhani ng goals para sa hosts sa 32nd at 56th minute marks kung saan hindi nila pinaiskor ang Pilipinas sa buong laro.

Sa panalo, ang Indonesia ay umusad sa third at  final round ng World Cup qualifiers kasama ang top seed Iraq.

Sa kabila ng pagkakasibak sa World Cup qualifiers, ang Pilipinas ay nananatili sa kontensiyon para sa isang puwesto sa 2027 AFC Asian Cup makaraang malagay sa third round ng qualification stages na ito.

Ang Pilipinas ay nakapagtala lamang ng isang puntos makaraang tapusin ang kanilang huling laro kontra Indonesia sa 1-1 draw noong nakaraang November sa Rizal Memorial Stadium. Magmula noon, natalo sila ng apat na sunod para masibak sa kontensiyon.

Samantala, pinapurihan ni Philippines Belgian coach Tom Saintfiet ang kanyang tropa sa kabila kabiguan.

“I’m proud of my team,” sabi ni Saintfiet matapos matalo.

“Indonesia was strong. Indonesia was clinical and Indonesia go to the next round. But we learned a lot. I’m

Satisfied with my team. We will be ready for the Mitsubishi Cup, and later on, the Asian Cup qualification next year,” ani Saintfiet.

Itutuon ngayon ng mga Pinoy ang kanilang pansin sa AFF Mitsubishi Electric Cup sa November, kung saan muli nilang makakaharap ang Garuda at ang Golden Star Warriors sa kanilang grupo.

Ang Pilipinas ay maghahanda para sa regional tournament sa pamamagitan ng international friendlies sa September, October, at early November FIFA windows.