(PH economy ‘di pa matatag – DOLE official) HIRIT NA WAGE HIKE HINDI NAPAPANAHON

Dominique Tutay

HINDI pa napapanahon sa ngayon ang mga panawagan na wage increase dahil hindi pa matatag ang ekonomiya na hinambalos ng COVID-19 pandemic, ayon sa isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ni Labor Asec. Dominique Tutay na may mga petisyon para sa umento sa sahod, ngunit hindi nila ito naisulong dahil sa pandemya.

“Both the management, the workers, including the government know very well the situation of our economy and they cannot just increase the salary,” pahayag niya sa CNN Philippines’ Prices & Jobs nitong Sabado.

“While the Philippines sees signs of recovery, the situation remains very unstable,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ni Tutay na nakadepende rin ang  desisyon sa magiging resulta ng 2022 polls, kung saan ang mga investor ay naghihintay sa magiging polisiya ng bagong administrasyon.

“Normally ang attitude ng investors diyan and even the businesses is to put on hold ‘yung business expansion or ‘yung bagong investments,” aniya.

Sa hiwalay na panayam ay kinatigan ng isang labor group ang pananaw ng DOLE sa wala sa panahong wage adjustments.

Gayunman ay binigyang-diin ni Alan Tanjusay, spokesperson ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines, na sa  kasalukuyang  minimum wage rates ay nagiging “vulnerable” ang mga manggagawa sa inflation.

“Kung titingnan sa actual spending, mahina ang kakayahan na makabuhay at maitaguyod ang isang pamilya,” sabi ni Tanjusay.

Base sa website ng DOLE, ang pinakamataas na minimum wage sa Metro Manila ay nasa P500 hanggang P537.