PH ECONOMY LUMAGO NG 6.8% SA Q1

harry roque

IKINAGALAK ng Malakanyang ang naitalang  6.8 porsiyentong paglago ng  ekonomiya ng Pilipinas sa unang tatlong buwan ng taon.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tiwala ang pamahalaan na mapananatili ang mataas na Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.

“We are optimistic that our economic momentum would continue to be sustained with higher tax revenue collection and bigger public spending in infrastructure,” wika ni Roque.

Ang first quarter GDP ay mas mataas sa 6.5 porsiyentong paglago na naiposte sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.

Ayon sa  Philippine Statistics Authority (PSA), may pinakamalaking kontribusyon sa paglago ng ekonomiya ng bansa sa unang tatlong buwan ng taon  ang industry sector na nagtala ng halos 8 percent growth, sektor ng serbisyo na nagposte ng 7 percent at sektor ng agrikultura, 1.5 percent.

Sinabi ni Socio Economic Planning Secretary Ernesto Pernia na kung hindi dahil sa mataas na inflation rate ay posibleng naabot ang target ng pamahalaan na 7 percent hanggang 8 percent na paglago ng ekonomiya sa unang bahagi ng 2018.

Sa kabila nito, ipinagmalaki ni Pernia na nananatiling isa ang ekonomiya ng Pilipinas sa pinakamabilis na lumago sa rehiyon.

Sumusunod, aniya, ang Pilipinas sa Vietnam na may 7.4 percent, kapantay lamang ng China at mas mataas sa Indonesia na may 5.1 percent.   EVELYN QUIROZ

Comments are closed.