MALAKI ang naitutulong ng first package ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law para matustusan ng pamahalaan ang mga programa na sumusuporta sa paglago ng ekonomiya ng bansa, ayon sa Department of Finance (DOF).
Sa Economic Bulletin nito sa gross domestic product (GDP), sinabi ng DFA na ang Package 1 ng TRAIN law ay magkakaloob ng karagdagang pondo upang matustusan ng gobyerno ang ‘Build Build Build’ program nito.
“These investments are game-changing in the sense that they catalyze further investments, which, in turn, drive investment-led growth, generate meaningful employment, and subsequently reduce poverty,” pahayag ng DOF.
Ang GDP sa first quarter ng taon ay lumago ng 6.8 percent, sa pangunguna ng industry sa 7.9 percent, services sa 7 percent, at agrikultura sa 1.5 percent.
Ayon sa DOF, bukod sa malakas na household consumption, ang government consumption ay masigla rin sa unang tatlong buwan ng taon.
Batay sa datos, ang government consumption ay tumaas ng 13.6 percent sa first quarter ng 2018 mula sa 0.1 percent na naitala sa kaparehong panahon noong 2017. Nahigitan din nito ang household consumption sa January-March period, na tumaas ng 5.6 percent kumpara sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.
Lumitaw rin sa datos ng pamahalaan na lumobo ang tax revenues ng 14.3 percent sa unang tatlong buwan ng pagpapatupad ng TRAIN Law, mas mataas sa 13.4-percent increment sa tax revenues sa kaparehong panahon noong nakaraang tao.
Ang TRAIN law ay nagkakaloob ng bagong pagkukunan ng tax collection para sa pamahalaan tulad ng excise taxes sa mga produktong petrolyo, automotive vehicles at inuming matatamis.
Ang karagdagang koleksiyon ng buwis ay nakalaan para sa ‘Build Build Build’ program na naglalayong mapagbuti ang imprastraktura sa buong bansa, gayundin ang maiangat ang kalidad ng local workforce sa pag-i-invest sa human capital development. (PNA)
Comments are closed.