PH ECONOMY PATULOY NA LALAGO

Erick Balane Finance Insider

DAPAT tayong magalak at magbunyi sa anunsiyo ng United Nations Economic and Social Commission for Asia and the Pacific (UNESCAP) na magpapatuloy ang paglago ng ekonomiya ng bansa.

May kinalaman dito ang paglagda kamakailan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pambansang budget na umaabot sa P3.7 trillion, hindi kabilang dito ang P95 billion budget na inalis sa pamamagitan ng ‘veto power’ ng Chief Executive.

Batay sa UNESCAP’s updated growth forecast for the Philippines, mas mataas ang percentage ng economic growth ng bansa para sa 2019 na 6.5 percent  kumpara sa 6.2 percent lamang noong nakaraang taon.

Naunang sinabi ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III na, “The Duterte government was unable to disburse P43.7 billion for its priority programs and products, including infrastructure as the impasse on the proposed P3.7 trillion 2019 national budget dragged in Congress.”

Ayon kay Secretary Dominguez, ngayong pirmado na ang 2019 national budget ay lalong susulong ang ekonomiya ng bansa.

Higit aniyang mararamdaman ng sambayanan ang ‘economic boom’ ng bansa kung pag-iibayuhin pa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC)  ang pangongolekta ng buwis.

Umaasa ang UNESCAP na sa taong 2020 ay  magpapatuloy ang paglago ng  ekonomiya ng Filipinas para pumalo ito sa 6.6 percent.

Ayon naman sa Development Budget Coordinating Committee (DBCC), bagama’t bu­magsak ang koleksiyon ng buwis ng BIR at BOC sa nakalipas na taon, makababawi ito ngayong 2019 para matugunan ang ‘Build Build Build’ program  ni Pangulong Duter-te.

Sa datos ng DBCC, ang dalawang tax collection agencies ay naatasang kumolekta ng ka­buuang P2.642 trillion. Sa nasabing halaga, P2.005 trillion ang dapat makolekta ng BIR, samantalang P637.1  billion naman sa BOC pero kapwa  lumasap ng ‘shortfall’ ang mga ito sa tax collections.

Inirekomenda ng mga economic manager ni Pangulong Digong kay Secretary Dominguez na magsagawa ng malawakang bal-asahan sa BIR at BOC para makabawi ang mga ito at mapaigting ang pangongolekta ng buwis, gayundin ay tuluyang masugpo ang katiwalian sa nasabing mga tanggapan.

Ang BIR at BOC ay kabilang sa itinuturing na ‘corrupt agencies’, batay sa mga nahuhuli sa entrapment at sa dami ng sinasabing korapa na opisyal na hanggang ngayon ay nananatili sa puwesto.

Una nang nagbabala si Pangulong Duterte sa mga opisyal at kawani ng BOC at BIR na walang puwang sa kanyang administra-syon ang mga abusado at tiwali.



Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa  09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].