(PH Embassy sa Russia umapela sa mga Pinoy) ITIGIL NA ANG ILLEGAL RECRUITMENT

Carlos Sorreta

MOSCOW, RUSSIA- UMAPELA ang ang Philippine Embassy sa Russia sa mga Filipino na tigilan na ang kanilang illegal na pagre-recruit ng mga kababayan sa Filipinas na pinangangakuan ng trabaho sa bansang ito.

Ang apela ay ginawa ni Philippine Ambassador to Russia Carlos Sorreta sa harap ng  isinusulong na bilateral labor agreements ng Filipinas at Russia para na rin sa kapakanan ng ating mga kababayang manggagawa na interesadong makapagtrabaho rito.

Ayon kay Sorreta, kung nais natin ng labor agreement sa Russia ay mas makabubuting tigilan na lamang ang ginagawa ng ilan nating kababayan na pagre-recruit ng mga manggagawa na wala namang mga kaukulang dokumento.

Mahalaga aniya na  maipakita sa pamahalaan ng Russia na marunong tayong sumunod sa batas at hindi lumalabag dito.

Sinabi ni Sorreta na mahirap makipag-negosasyon sa isang kasunduan kung tuloy-tuloy naman ang kalokohang ginagawa ng a­ting mga kababayan upang makapagpuslit ng mga illegal worker.

Ayon kay Sorreta, minsan ay tinuturuan pa ng mga mapagsamantalang Filipino ang mga kababayan na kumuha muna ng tourist visa kung nais makapagtrabaho sa Russia at pagkaraa’y sisi­ngilin ang kawawang biktima na ilegal nang maghahanap ng mapapasukang trabaho.

Naniniwala ang embahador na habang lumalaki ang bilang ng mga illegally recruited Filipinos sa Russia ay lalo namang lumiliit ang tsansa na mabigyan ang mga ito ng amnestiya.

“Ang problema lang po namin ngayon ay tuloy pa rin ‘yung illegal recruitment which is a problem when you are negotiating a labor agreement,”giit pa ni Sorreta.

Mahalaga aniyang maipakita natin sa Russian government na marunong tayong sumunod sa batas at nirerespeto  ang mga proseso,” dagdag pa ni Sorreta. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.