PINARE-RECALL o pinauuwi na sa Filipinas ang mga matataas na opisyal ng embahada ng bansa sa Canada makaraang mabigo ang Ottawa at pamahalaan ng Canada na masunod ang deadline na maibalik sa kanila ang tone-toneladang basura na itinapon sa bansa.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro ‘Teddy Boy’ Locsin, sinulatan na niya ang ambassador at consuls sa embahada ng Filipinas sa Canada upang agad na bumalik muna sa bansa at panatilihin ang mababang presensya ng mga diplomatic official hang-gang sa maibalik ang mga basura sa nasabing bansa.
“At midnight last night, letters for the recall of our ambassador and consuls to Canada went out. They are expected here in a day or so. Canada missed the May 15 deadline. And we shall maintain a diminished diplomatic presence in Canada until its garbage is ship bound there,” wika ni Locsin sa kanyang official Twitter account.
Sinabi pa ng kalihim na isa sa pinag-ugatan ng pag-recall sa mga opisyal ay ang pagkabigo rin ng Canadian representatives na dumalo sa isang pulong kasama ang mga tauhan ng Bureau of Customs. Una ng binigyan ng pamahalaan ng hanggang Mayo 15 ang Canada para bawiin ang itinapon nilang basura sa bansa.
Nagbabala na rin si Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa nasabing bansa na hakutin na ang kanilang basura gayunman, hindi ito nangangahulugan na puputulin na ng Filipinas ang ugnayan nito sa Canada.
Una ng nangako ang Canadian Embassy na reresolbahin ang isyu sa lalong madaling panahon at ibabalik ang mga basura sa kanilang bansa.
Magugunitang dumating ang halos isandaang container van mula sa Canada sa Port of Manila mula taong 2013 hanggang 2014 at una itong idineklara na naglalaman lamang ng mga plastic scrap, subalit base sa beripikasyon nabatid na ang mga ito ay non-recyclable plastics, household waste at mga gamit ng adult diapers. PAUL ROLDAN
Comments are closed.