PH EXPORTS SA UAE PALALAKASIN

NAKIPAGPULONG kamakailan si Department of Trade and Industry (DTI) Acting Secretary Cristina Roque sa ilang kompanya sa Abu Dhabi, United Arab Emirates upang palakasin ang Philippine exports at talakayin ang potential investments.

Ayon sa DTI, si Roque ay nakipagpulong sa Sirius International Holding noong Nob. 9 upang talakayin ang potential investments sa Philippine digital economy.

Ang pagpupulong ay bahagi ng pagsisikap ng DTI tungo sa pagsasakatuparan ng “Bagong Pilipinas,” na nagbibigay-diin sa “forward-looking, inclusive, and sustainable approach to national development.”

“To achieve this vision, the DTI pursues high-value investments to boost the country’s technological capabilities,” ayon sa DTI.

Ang Sirius International Holding ay isang subsidiary ng IHC, ang second-largest holding company sa rehiyon, sumunod sa Saudi Aramco.

Ang kompanya ay may investments sa technology sectors sa iba’t ibang industriya, kabilang ang fishery, nuclear power plants, construction, healthcare, at hospitality.

Sinabi pa ng DTI na nakipagpulong din si Roque sa mga senior executive ng Spinneys noong Nob. 9 upang makipagtulungan at palakasin ang retail sector sa UAE.

Nakatuon din ang pag-uusap sa pagdadala ng mas maraming Philippine small and medium enterprises (SMEs) products na ibebenta sa kanilang supermarkets.

Ang Spinneys ang leading supermarket chain sa UAE.
Sa nasabing pagpupulong, muling tiniyak ni Roque sa Spinneys na ipakikilala ito ng DTI sa qualified SMEs na nakahandang mag-export sa Middle East market.

Bukod sa naturang mga kompanya, si Roque ay nakipagpulong din sa mga kinatawan mula sa Lulu Group International, isang leading multinational conglomerate.

Ang kompanya, na nag-ooperate ng 258 stores sa UAE, ay nakapagpatayo na ng logistics at export center sa Laguna.

Sa nasabing pagpupulong ay nagpahayag ng intensiyon ang mga kinatawan ng Lulu na dagdagan ang kanilang procurement ng SME products.

Upang ipormalisa ang partnership, ang parehong partido ay nagkasundo na pumirma sa isang memorandum of understanding o agreement.
ULAT MULA SA PNA